Mga kabataang Pinoy na 'tomador'
Dahil dumadami ang kabataang Filipino na nahihikayat umanong umiinom ng alak, isang panukalang batas ang inihain sa Kamara de Representantes para maparusahan ang mga magbebenta ng alak sa mga minor de edad.
Batay sa ginawang pag-aaral ng World Health Organization (WHO), sinabi ni Quezon Rep. Angelina Tan, na dalawa sa bawat 10 kabataan na nasa edad 15 hanggang 18 ang umiinom na ng alak.
Bukod dito, lumitaw din umano sa pag-aaral na anim sa bawat 10 kabataan ng nabanggit na edad ang umiinom ng higit sa dalawang bote ng alak.
Nakasaad din umano sa WHO Youth Violence and Alcohol Fact Sheet, na 14 porsiyento sa mga kabataang nasa edad 15 hanggang 24, ang nanakit ng kanilang kapwa kapag nalalasing.
Humahantong din umano sa iba pang uri ng krimen ang paglalasing ng mga kabataang Pinoy tulad ng panggahasa, ayon pa sa kongresista.
Sa hiwalay na pag-aaral naman ng U.S. Department of Health and Human Services, sinabi ni Tan na lumilitaw na ang maagang pagkakalulong sa alak ng kanilang kabataan ay humahantong sa kamatayan at pananakit ng kanilang kapwa.
Bukod pa diyan ang pagiging lantad nila sa mga pang-aabuso, maagang nabubuntis, at nahahawahan ng mga sakit tulad ng sexually transmitted diseases (STDs) at
human immunodeficiency virus (HIV).
Dahil dito, inihain ni Tan ang House Bill (HB) No. 258 o “Anti-Underage Drinking Act of 2013,” na nagbabawal sa mga minor de edad na bentahan ng alak at papasukin sa mga establisimyento gaya ng beer house, videoke bar at nightclubs.
Ang mga mapapatunayang nagbenta ng alak o lumabag sa batas ay maaaring makulong ng hanggang tatlong buwan at pagmumultahin ng hindi bababa sa P10,000. -- RP/FRJ, GMA News