ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

13 sa 21 bilanggo na tumakas sa piitan sa Valencia, Bukidnon, patuloy na tinutugis


Armado at itinuturing na mapanganib ang 13 pa sa 21 bilanggo na tinutugis ng mga pulis matapos pumuga sa Valencia City Jail sa Bukidnon nitong Miyerkules ng hapon. Sa ulat ni Jeik Compo ng GMA-Northern Mindanao sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Huwebes, sinabing anim sa mga nakatakas ang nahuli na, at dalawa naman ang kusang loob na sumuko. Nakatakas ang mga bilanggo dakong 3:00 p.m. nitong Miyerkules habang isinasagawa ang alternative learning system sa mga bilanggo sa visitor's area ng piitan. Ayon sa mga pulis, isang Dionesio Daulong na convicted sa kasong pagpatay ang pasimuno umano sa pagtakas. Dahil walang palikuran sa lugar, nagpaalam umano si Daulong na pupunta sa banyo na nasa kabilang pasilidad. Nang buksan na ng guwardiya ang pinto, pinalo na umano ito ng matigas na bagay sa ulo. Bago tumakas, pinasok umano ng mga bilanggo ang isang opisina at kinuha ang ilang baril. Kuwento ni P/Sr. Supt. Roy Magsalay, OIC-Director ng Valencia police, nakalabas ng piitan ang mga bilanggo sa pamamagitan ng pagdaan sa watch tower at tumalon sa perimeter fence. Dalawa sa mga bilanggo ang nahuli nitong Miyerkules ng gabi, habang anim naman ang nadakip nitong Huwebes ng umaga. -- FRJ, GMA News