PSG na namamahala sa seguridad ng Pangulo, binabubuwag; bagong organisasyon, nais ipapalit
Binuhay ng dalawang mambabatas ang mungkahi na buwagin na ang Presidential Security Group (PSG) na namamahala sa seguridad ng Pangulo ng bansa at palitan ng panibagong grupo na hindi konektado sa militar at pulisya. Sa House Bill 335, na inihain nina AKO-Bicol Party-list Reps. Christopher Co at Rodel Batocabe, nais nilang bumuo ng panibagong grupo na mamamahala sa seguridad ng Pangulo na kabibilangan ng "highly professionalized civil security organization" na tatawiging Government Protection and Security Service (GPSS). Basahin: PNoy military aide to be named new PSG chief Paliwanag nila, marami sa mga sundalo at pulis ang naghahangad na mapabilang sa PSG dahil nagsisilbi nila itong tungtungan upang umangat sa puwesto dahil ang binabantayan nila ay ang pinakamakapangyarihang tao sa Pilipinas. Sinabi nina Co at Batocabe na layunin ng kanilang panukala na maipatupad ang nakasaad sa 1987 Constitution na nagsasabing hindi dapat masangkot sa partisan politics ang militar. Sa ngayon, ang PSG ay bahagi umano ng Army unit ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na ang punong himpilan ay nasa loob ng Malacañang. Kasama rin sa PSG ang ilang sangay ng Philippine National Police (PNP) partikular ang Special Weapons and Tactics (SWAT) at Special Action Force (SAF). “Military and police officers and personnel are designated to the PSG which serves as a springboard for their professional careers,” nakasaad sa pahayag ni Co. Ayon kay Batocabe, mayroon ng tatlong PSG Commanders ang naging Chiefs of Staff ng AFP, at pinaniniwalaan na nakatulong ang pagiging malait nila sa pangulo kaya nakuha ang mataas na puwesto sa militar. “This perception should be eradicated as it demoralizes the members of the AFP and weakens public confidence in its military. The creation of an institutionalized civilian agency, independent from the AFP or PNP, ensures that the protective role of the agency -- that is ensuring the safety of national leaders, their families, the Malacañang Palace, and foreign visitors -- shall be upheld and given utmost priority,” ayon kay Batocabe. Sa ilalim ng HB 335, ang GPSS ay isasailalim sa kontrol at hurisdiksiyon ng Office of the President (OP). Bukod sa OP, pamamahalaan din ng GPSS ang pagkakaloob ng seguridad sa Vice President; Senate President; Speaker of the House; Chief Justice of the Philippines; First Family; Malacañang Palace at iba pang gusali sa ilalim ng OP. Ang GPSS din ang magiging pangunahing coordinating agency sa pagkakaloob ng seguridad sa mga dayuhang opisyal at mga dignitaryo na bumisita sa bansa. Sa halip na opisyal ng militar, ang GPSS ay pamumunuan ng isang "Director" na may ranggong "undersecretary," at mga deputy director na hihirangin ng Pangulo. Lahat ng tauhan ng GPSS magmula sa posisyon ng deputy director at pababa ay bibigyan ng plantilla position at protektado ng security of tenure, alinsunod sa kautusan ng civil service rules and regulations. Ang mga tauhan ng AFP at PNP na kabilang sa bubuwaging PSG ay maaaring isama sa GPSS. -- RP/FRJ, GMA News