ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

19-anyos na babae na nag-upload daw ng hubad na larawan at video ng kaklase sa internet, dinakip


Nadakip sa entrapment operation ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang 19-anyos na babae sa Iloilo dahil sa pagpapakalat umano sa internet ng hubad na video at larawan ng kanyang kaklase. Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon nitong Sabado, kinilala ang dinakip na babae na si  Claudia Silverio. Ayon sa NBI-Region 6, humingi sa kanila ng tulong ang biktima ni Silverio matapos ikalat sa internet ang mga sensitibo niyang video at larawan sa internet nang hindi na ito makapagbigay ng pera. Batay sa reklamo ng biktima, may ipinakilala sa kanyang lalaki si Silverio noong Enero na kanyang naging kaibigan sa chat. Ngunit lingid umano sa kaalaman ng biktima, si Silverio rin pala ang kanyang nakakausap sa internet. At nang makikipagkita na umano ang biktima sa inakalang ka-chat na lalaki, piniringan umano ni Silverio at itinali ang biktima. Doon na umano minolestiya ng suspek ang biktima at kinunan pa ng video. Sa takot na itutuloy ng suspek ang banta na ikakalat sa internet ang kaniyang mga larawan at video, pumayag ito na magbigay ng pera. Pero nang hindi na makapagbigay ng pera ang biktima, ini-upload na umano ang mga sensitibo niyang larawan at video. Tumanggi naman si Silverio na magbigay ng pahayag, ayon sa ulat. Nahaharap ang suspek sa kasong rape, bribery at paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act. -- FRJ, GMA News

Tags: scandal