Batang magkapatid na hiwalay ang mga magulang, hinalay umano ng 58-anyos na kapitbahay
Isang 58-anyos na lalaki ang dinakip ng mga awtoridad matapos akusang nanghalay sa dalawang batang magkapatid na kaniyang kapitbahay sa Dagupan City, Pangasinan. Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon nitong Sabado, sinabing ilang ulit daw hinalay ng lalaki ang mga biktima na edad walo at anim. Pinupuntahan umano ng suspek ang magkapatid sa bahay ng mga ito kapag nalaman na walang kasama ang mga bata. Ayon kay Police Officer 2 Fe Juan, imbestigador ng Dagupan police, lumitaw sa pagsusuri sa mga bata na positibong ginalaw ang magkapatid. Hindi rin umano kaagad nakapagsumbong ang mga bata sa tiyahin na nag-aalaga sa kanila dahil sa pagbabanta ng suspek. Napag-alaman na hiwalay ang mga magulang ng magkapatid at ipinagkatiwala sa tiyahin ang pangangalaga sa mga bata. Mariin namang itinanggi ng suspek ang paratang at idinahilan na nagkaroon lamang ng hindi pagkakaunawaan ang kanilang pamilya at pamilya ng mga bata. Desidido naman ang tiyahin ng mga bata na ituloy ang kaso laban sa suspek. -- FRJ, GMA News