ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bakbakan ng militar at MNLF na tinawag na 'The burning of Jolo' noong 1974


Alam niyo ba na libu-libong sibilyan ang lumikas sa Jolo, Sulu noong Pebrero 1974 dahil sa matinding sagupaan ng tropa ng pamahalaan at mga tauhan ni Nur Misuari sa Moro National Liberation Front (MNLF) na naitala na ngayon sa kasaysayan bilang "the burning of Jolo." Sinasabing ika-apat ng Pebrero 1974 nang simulan ng MNLF ang pagsakop sa iba't ibang lugar ng Jolo na kapitolyo ng lalawigan ng Sulu. Sa laki ng bilang ng MNLF, walang nagawa ang puwersa ng militar at pulisya sa lugar. Ngunit hindi nagpasindak ang pamahalaan ng noo'y si Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na nagpadala ng karagdagang puwersa ng militar upang mabawi ang Jolo sa kamay ng MNLF. Sa sumunod na mga araw, matinding bakbakan ng militar at tropa ni Misuari ang naganap na nagresulta sa pagkasawi ng maraming buhay at pagkasunog ng maraming bahay at establisimyento sa Jolo. Ibinintang ng pamahalaan sa mga tumatakas na MNLF ang panununog, habang ang militar naman ang sinisi ng MNLF na bahagi umano ng counter-attack ng gobyerno laban sa kanilang puwersa. Tumagal ng mahigit isang linggo bago naidineklara ng pamahalaan na nabawi na ng militar ang Jolo sa kamay ng MNLF. -- FRJimenez, GMA News

Tags: pinoytrivia