ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ginang na nanundo ng mister sa inuman, napatay umano sa bugbog


Patay ang isang ginang na mayroon tatlong batang anak matapos umanong bugbugin ng kaniyang mister na sinundo niya sa inuman sa Villasis, Pangasinan. Sa ulat ni Maureen Galapon ng GMA-Dagupan sa Balita Pilipinas Ngayon nitong  Huwebes, sinabing namatay ang ginang nitong Lunes ng gabi. Nadakip naman ng mga awtoridad ang kaniyang mister nitong Miyerkules. Bago nasawi, sinabi ni PO2 Marilou Caagusan, na batay sa kuwento ng ilang saksi, sinundo ng biktima ang asawa na nakikipag-inuman. "Sabi ng mga saksi doon, 'wag mong saktan yung asawa mo.' Tapos umuwi na po sila sa bahay nila," ayon kay Caagusan. Pero sa bahay, nagpatuloy umano ang pag-aaway at sigawan ng mag-asawa. Itinanggi naman ng suspek na binugbog niya ang asawa. Nasampal lang daw niya ang misis dahil nagtangka itong magpakamatay sa pamamagitan ng paggamit ng kutsilyo. Pero nang gisingin umano niya ang asawa ay hindi na ito nagising. Hindi naman naniniwala ang mga kaanak ng biktima sa kwento ng suspek. Ayon sa kapatid ng nasawi, noon pa umano ay nagsusumbong na ito tungkol sa ginagawang pananakit sa kanya ng mister. Nasa kostudiya na ng Department of Social Welfare and Development ang mga anak ng biktima na may edad na isa, dalawa at tatlo. Mahaharap sa kasong parricide ang suspek. -- FRJ, GMA News