ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lalaking napasugod sa kapitbahay na nakuryente sa sampayan, nakuryente rin, patay


Isang lalaki ang nasawi, at isang ginang ang nasugatan nang makuryente sila sa sampayan na napadikit sa live wire sa Consolacion, Cebu. Lumitaw sa imbestigasyon na kinukuha na ni Teresa Monleon ang mga natuyo nilang damit sa alambreng sampayan sa likod ng kanilang bahay nang makuryente ito. Napag-alaman na nakadikit ang sampayan sa bubungan na nakadikit naman sa live wire. Nakaligtas si Monleon nang agad na nasaklolohan ng mga kapitbahay at nadala sa ospital. Pero hindi naman pinalad si Manny Comendador na nasawi matapos sumabit din sa sampayan na may kuryente. Bitbit ang kaniyang limang-buwan-gulang na anak, napasugod din si Comendador sa kinaroroonan ni Monleon.  Mabuting nabitawan nito ang anak kaya nakaligtas ang bata sa kapahamakan. Hindi naman makapaniwala si April Rosalejos, live-in partner ni Comendador, na ang kaniyang kabiyak ang masasawi dahil siya ang naghanap ng sasakyan para madala sa ospital si Monleon. Inayos na ng Visayan Electric Company ang mga linya ng kuryente sa lugar at nagpaalala rin ang mga awtoridad sa publiko na tiyaking maayos ang pagkakakabit ng mga linya ng kanilang kuryente. -- Lou-Anne Mae Rondina/FRJ, GMA News

Tags: accident, cebu