Posibleng pagkukulang ng pamahalaan sa mga karaniwang miyembro ng MNLF, dapat suriin
Naniniwala ang gobernador ng Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) na panahon na rin upang suriin ng gobyerno ang ginawang pagtugon sa usapin ng mga karaniwang kasapi ng Moro National Liberation Front (MNLF) kasunod ng madugong pag-atake ng grupo sa Zamboanga City. "Baka kailangan at panahon na rin ng gobyerno na magre-evaluate o mag-reassess, iningage ba natin yung mga ordinary members ng MNLF o yung mga na-engage lang natin yung mga leader," pahayag ni ARMM Governor Mujiv Hataman sa panayam ni GMA news anchor Jessica Soho sa 24 Oras nitong Biyernes. Sinisisi ng gobyerno si MNLF founding chairman Nur Misuari sa pagsiklab ng karahasan sa Zamboanga, habang ang gobyerno naman ang sinisisi ni Misuari dahil sa hindi umano pagtupad sa 1996 peace agreement na naisara ng MNLF at administrasyon ni dating Pangulong Fidel Ramos. Pero ayon kay Hataman, nilinlang umano ang mga tauhan ng MNLF na nagpunta sa Zamboanga City na mahigit isang linggo na ngayong nakikipagpalitan ng putok sa tropa ng pamahalaan. Sinabi ng gobernador na inakala ng mga kasapi ng MNLF na peace parade lang ang gagawin nila sa Zamboanga City, at pagkakalooban ng ATM na may lamang P10,000 bawat buwan kapag naideklara na silang indepedyante ng United Nation. "Realization ko dalawa, dapat intensify yung economic development for these people; second dapat yung gobyerno mismo mag-engage sa mga taong ito," paliwanag ni Hataman. Inamin din ni Hataman na siya rin mismo ay nagkaroon ng pagkukulang kaya napagsamantalahan ang kahinaan ng mga karaniwang kasapi ng MNLF. "Dapat i-engage natin mismo yung ordinary members ng MNLF, yung mga combatant, yung families," dagdag niya. Disyembre 2011 nang italagang officer-in-charge ng ARMM ni Pangulong Benigno Aquino III si Hataman. Pormal siyang naging gobernador ng rehiyon nang manalo sa nakaraang 2013 elections. Malaking bahagi ng puwersa ng MNLF ay nasa mga lalawigan na sakop ng ARMM tulad ng Maguindanao, Lanao del Sur, Sulu, Tawi-Tawi at Basilan. Dahil sa pagsalakay ng MNLF sa Zamboanga, umabot na sa mahigit 100,000 sibilyan na napilitang lumikas sa kanilang mga bahay at nagsisiksikan ngayon sa mga evacuation center. Aabot naman sa mahigit 100 ang nasawi na karamihan ay kasapi ng MNLF, habang mahigit 200 ang sugatan. Sa pagtaya ng gobyerno, kakailanganin ng P4 bilyon para maibangon ang Zamboanga City. Nauna nang itinanggi ni Misuari na may kinalaman siya sa pag-atake ng kaniyang mga tauhan sa Zamboanga City. -- FRJ, GMA News