ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Limang mangingisda, hinuli dahil sa 'hulbot-hulbot' sa Iloilo


Limang mangingisda ang dinakip ng mga awtoridad dahil sa iligal na pamamaraan ng paghuli ng isda na kung tawagin ay "hulbot-hulbot" sa karagatan ng Iloilo. Sa ulat ni Charlotte Tan ng GMA-Iloilo sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Sabado, sinabing tinangka pa ng limang mangingisda na tumakas nang sitahin ng mga miyembro ng Bantay-Dagat pero nasukol din sila. Isa pang mangingisda ang hinahanap matapos tumalon sa bangka sa karagatan sa bahagi ng Concepcion, Iloilo. Ang "hulbot-hulbot" ay katulad ng "trawl" fishing na paraan ng pangingisda na nakasisira ng mga bahura o coral reef. Ang "hulbot-hulbot" ay ginagamitan ng malaking lambat na may metallic ring at malaking bato na ibinabagsak sa dagat at saka hihilahin ng bangka hanggang sa makahuli ng mga isda. May parusang pagkakakulong ng hanggang anim na buwan at multang P10,000 ang mga mapapatunayang sangkot sa ganitong paraan ng pangingisda. -- FRJ, GMA News