Rep. Gonzales, ex-party-list Rep. Noel, pumalag sa talumpati ni Sen. Estrada
Iginiit nina House Majority Leader at Mandaluyong Rep. Neptali Gonzales II, at dating AnWaray party-list Rep. Florencio “Bem” Noel, na hindi makatwiran ang ginawang pagdawit sa kanila ni Sen. Jinggoy Estrada sa usapin ng "pork barrel" scandal. Sa kaniyang talumpati nitong Miyerkules, inireklamo ni Estrada ang ang umano'y "selective prosecution" kaugnay sa naging resulta ng special audit report ng Commission on Audit (COA) sa paggamit ng mga senador at kongresista sa kanilang priority development assistance funds (PDAF) mula 2007 hanggang 2009 na kilala rin bilang pork barrel funds. Dahil sa naturang COA report, kinasuhan ng plunder ng Department of Justice sina Estrada, Sens. Juan Ponce Enrile at Bong Revilla Jr. na pawang kasapi ng minorya sa kapulungan. Ang tatlo ay iniuugnay din sa negosyanteng si Janet Lim-Napoles dahil sa paggamit sa mga pekeng non-government organizations (NGOs) upang doon ipadaan ang bahagi ng kanilang mga pondo. Pero sa talumpati ni Estrada, sinabi nito na maging ang ibang mambabatas gaya nina Gonzales at Noel ay may kuwestiyunable ring transaksyon tungkol sa paggamit ng kanilang PDAF na nakasaad sa COA report pero hindi nabibigyan ng pansin. Pinuna rin ng senador ang umano'y paggastos ni Gonzales ng P6.6 milyon sa pagbili ng produkto ng Jollibee, at paglalagay ni Noel ng pondo sa distrito ni Gonzales. Si Gonzales ay kapartido ni Pangulong Benigno Aquino III sa Liberal Party, habang malapit naman na kaibigan ng pangulo si Noel. 'Di kami sangkot kay Napoles Sa panayam ng media, sinabi ni Gonzales na hindi binanggit ni Estrada sa talumpati nito na 190 transaksiyon ang pagbili niya sa food chain at hindi isang beses lang gaya ng nais umanong palabasin ng senador. Iginiit din ng kongresista na walang iregularidad sa pagbili ng pagkain dahil ang mga kababayan umano niya ang nakinabang. Kung hindi man siya kasamang nakasuhan ng DOJ, sinabi ni Gonzales na ito'y dahil wala naman siyang naging transaksiyon kay Napoles at hindi rin kasama sa mga binanggit ng wistleblower na si Benhur Luy na umano'y nagbulsa ng pondo. “Ang akin lang, parang mali yung sinasabing ‘bakit itong mga ‘to (congressmen) ‘di n'yo dinedemanda? Bakit kami lang?’ E kasama ba kami? Wala naman akong Napoles e. Bakit ako masasama?” paliwanag ni Gonzales. Idinagdag pa ni Gonzales, isa ring abogado, na hindi pa tapos ang imbestigasyon ng COA sa lahat ng paggamit ng PDAF, at wala rin umanong inilalabas na "notice of disallowance" ang komisyon laban sa kanila. Patuloy pa ng mambabatas, kahit may lumabas na "notice of disallowance" laban sa kanila, maaari pa rin nila itong kuwestiyunin sa Korte Suprema para ipaliwanag ang kanilang panig. “It cannot be the basis of a criminal prosecution kasi walang notice of disallowance. Kapag nagkaroon na ng notice of disallowance and becomes final, that must be the basis of the filing of the case,” paliwanag ni Gonzales. “Kung halimbawa, yung binabanggit na mga tao, ay nakasama na doon sa mga affidavit na pinirmahan nila Benhur Luy, sinasabi na ganito ganyan… tapos e despite yung 'pag may mention ng mga whistleblowers sa mga pangalan, whether kaalyado o hindi e, apat lang yung dinedemanda o tatlo lang, then iyon ang masasabi mong selective,” dagdag pa niya. Hindi lang sa Mandaluyong Samantala, sinabi naman ni Noel na walang iregularidad sa paglalagay niya ng bahagi ng kaniyang PDAF sa distrito ni Gonzales na umaabot sa P23 milyon na binanggit ni Estrada sa kaniyang talumpati. Gaya ni Gonzales, sinabi ni Noel na hindi rin siya naglagay ng pondo sa sinasabing mga NGO ni Napoles. "Ang party-list representatatives at national ang scope o buong bansa. Kaya puwede naman kaming maglagay ng pondo sa mga lugar na mayroon kaming mga constituent na puwedeng matulongan tulad sa Mandaluyong," paliwanag ng dating mambabatas. Dagdag pa ni Noel, hindi rin nabanggit ni Estrada sa talumpati nito na sa anim na taon niya bilang kinatawan ng party-list ay nakapaglaan din siya ng mga pondo sa iba pang lugar maliban sa Region 8. “Itong mga pondo nagagamit 'yan sa medical assistance, scholarship. Nakapaglagay ako ng P30 milyon sa National Kidney and Transplant Institute, P35 milyon sa scholarship at iba pa," ayon sa dating mambabatas. Sinabi ni Gonzales na nalulungkot siya sa pagdadawit sa kaniya ni Estrada sa pork barrel scandal at hindi niya alam kung ano ang tunay na motibo ng senador. -- RP/FRJ, GMA News