ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Krisis sa Zambo City, tapos na, ayon sa pamahalaan


Sa ika-20 araw ng krisis sa Zamboanga City, idineklara ni Defense Secretary Voltaire Gazmin nitong Sabado na nasupil na ng puwersa ng pamahalaan ang grupo ng Moro National Liberation Front (MNLF) na sinasabing mga tagasunod ni Nur Misuari na sumalakay sa nabanggit na lungsod. Sa Twitter account ng Armed Forces of the Philippines bago magtanghali nitong Biyernes, sinabing patuloy naman ang pagtugis sa iba pang nakatakas na lider ng grupo. "Defense Secretary Voltaire Gazmin declares Zamboanga standoff over... still searching for Commander Habier Malik...," nakasaad sa post ng AFP. Sinabi sa ulat ng government-run People's Television (PTV) na ibinase ni Gazmin ang pag-analisa sa sitwasyon sa Zamboanga City matapos na wala nang maganap na palitan ng putok sa lungsod simula nitong Biyernes ng gabi. Gayunman, sinabi ng kalihim na patuloy ang isasagawang clearing operations sa lungsod para matiyak ang kaligtasan ng mga magbabalik na residente. Sa pulong balitaan sa Zambonga nitong Sabado ng tanghali, idineklara rin ni Interior and Local Government Sec. Mar Roxas na tapos na ang krisis sa lungsod at isasagawa na ang ikalawang bahagi ng clearing operations sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng bakbakan. Kabilang sa gagawin sa clearing operation ay ang pag-alis ng mga bomba na maaaring itinanim o naiwan ng MNLF sa lugar na posibleng magdulot ng pinsala sa mga magbabalik na sibilyan. Inihayag din ni Roxas na ang operasyon sa Zamboanga ay hindi lang tungkol kay Malik kung hindi maging sa mga sibilyan na binihag at nailigtas ng tropa ng pamahalaan. Si Malik ang sinasabing namuno sa puwersa ng MNLF na nagtungo sa Zamboanga.  May mga ulat na nasugatan ito sa pakikipaglaban sa tropa ng pamahalaan. Sa ulat ng PTV,  sinabi umano ni Gazmin na biniberipika nila ang impormasyon na isang bangkay ang nakita sa barangay Sta. Catalina na posibleng si Malik. Sinabi naman ni Lt. Col. Ramon Zagala, AFP public affairs unit head, na posibleng mayroon "few members (and) stragglers" ang magsisikap na takasan ang tropa ng pamahalaan na nagsasagawa ng clearing operation sa lugar. "Naniniwala tayo they are already defeated," anang opisyal sa ulat ng dzBB radio. Sa Malacañang, inihayag din ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte na tapos na ang krisis sa Zamboanga. “We always maintained in the days dealing with the situation, it will be officials on the ground who will be making the announcement based on their assessment,” pahayag ng opisyal sa dzRB radio nitong Sabado. — FRJ, GMA News