Senador: Paggastos ng DAP, maaaring mauwi sa impeach case vs PNoy
Posibleng bumagsak sa pagsasampa ng impeachment case laban kay Pangulong Benigno Aquino ang kontrobersiyal na pagpapalabas ng ehekutibo ng pondo sa ilalim ng Disbursement Acceleration Program (DAP).
Sa budget hearing ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Senado nitong Miyerkules, inihayag ni Sen. JV Ejercito na unconstitutional at iligal ang ginawa ng Department of Budget and Management (DBM) na pagbigay ng DAP funds para sa mga mambabatas.
Pero mabilis na kumambiyo ang bagitong solon na hindi umano uusad, kung meron man, ang impeachment case laban kay Aquino dahil sa pagiging popular nito sa kasalukuyan.
Tanging suhestyon na lamang nito ay papanagutin ng Pangulo ang may mga kinalaman sa maanomalyang paggamit ng naturang pondo. Ito man, aniya, ay si Budget Secretary Butch Abad.
Noong Martes, umalma si dating Sen. Joker Arroyo sa pagkakadawit niya bilang isa sa mga nakatanggap ng pondo mula sa DAP.
Aniya, iligal ang pagkakalikha sa ng DAP.
Nauna nang sinabi ni Sen. Miriam Defensor-Santiago na iligal ang DAP dahil ipinamigay ito sa mga mambabatas at mga opisyal ng gobyerno na hindi idinaan sa Kongreso. — Linda Bohol/LBG, GMA News