Miriam: Paghingi ni Drilon ng payo sa Ombudsman, constitutionally questionable
“Why ask for opinion if you’re not going to follow it?” Ito ang reaksiyon ito ni Sen. Miriam Santiago sa hindi inaasahang pagbalikwas ni Senate President Franklin Drilon na ipauubaya na lamang nito sa kapwa niya mambabatas kung pasisiputin sa pagdinig ng Senado si Janet Lim-Napoles.
Si Napoles ay itinuturing utak sa P10-bilyong ‘pork barrel’ scam.
Sa panayam sa telepono noong Huwebes, iginiit ni Santiago na maituturing na "constitutionally questionable" ang humingi ng payo sa ibang ahensiya, at may hangganan legislative functions at power.
Matatandaang dalawang beses nang tinanggihan ni Drilon na lagdaan ang hiling na subpoena ni Sen. TJ Guingona, chairman ng Senate blue riboon committee, para padaluhin si Napoles sa pagdinig.
Katwiran ng liderato ng Senado na isasangguni niya muna sa Ombudsman ang nasabing subpoena.
Sa magkahiwalay na liham ni Ombudsman Conchita Morales kay Drilon, sinabi nito na hindi maaaring padaluhin si Napoles sa televised probe dahil nasa Ombudsman na ang kaso nito.
Nakatakdang magsagawa ng caucus ang Senado kaugnay sa isyu ni Napoles sa Oktubre 14, matapos ang dalawang linggong bakasyon.
Ani Santiago, boboto siya pabor sa subpoena kung makadadalo siya sa naturang caucus.
Ito’y para patunayan ang kapangyarihan ng sangay (legislative) ng pamahalaan na pwedeng mag-isyu ng subpoena kahit kanino saan man sa bansa.
Subali’t nangangamba ang lady solon na posibleng gamitin o iginiit ni Napoles ang "right against self-incrimination" kapag mapikon ang mga senador kung sisipot man ito sa pagdinig.
“What will happen probably is that she would simply transfer her place of detention from Laguna to Pasay City,” diin pa ni Santiago.
Samantala, maituturing din na bribery o panunuhol ang pagpapalabas ng Disbursement Acceleration Program (DAP) sa mga senador bagama’t tapos nang ma-convict si dating Chief Justice Renato Corona.
Si Santiago, dsting Sen. Joker Arroyo at Bongbong Marcos ay tatlo lamang sa mga senador na tumutol na i-impeach si Corona.
Subali’t si Arroyo lamang ang idinawit ni Budget Sec. Florencio Abad na nakatanggap ng P47 milyon mula sa DAP na agad namang pinalagan ng dating senador.
Ani Santiago, hindi isinasaad sa ilalim ng Revised Penal Code kung kailan mangyayari ang panunuhol.
"It is not acceptable to say that the money was given several months after the trial," diin pa ng beteranang solon. — Linda Bohol /LBG, GMA News