ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ilang kabahayan sa 2 barangay sa Bukidnon, nawasak ng baha


Kasabay ng pagbuti ng panahon at paghupa ng baha, nalantad ang pinsalang idinulot ng kalamidad sa dalawang barangay sa lalawigan ng Bukidnon. Samantala, sa kalapit nitong Cagayan de Oro, ilang lugar pa rin ang nanatiling lubog sa tubig.

Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon nitong Miyerkules, sinabing nagsimula nang maglinis ng kanilang binahang bahay ang mga residente sa Cagayan de Oro City.

Ayon sa isang residente, umabot sa hanggang baywang ang baha sa loob ng kanilang bahay kaya maraming gamit nila napinsala.

Sa kasagsagan ng pagbaha, lumikas ang mga residente patungo sa barangay hall para sa kanilang kaligtasan.

Kung humupa na ang baha sa ibang lugar sa CDO, nanatili namang lubog sa tubig ang Sitio Balete kaya hindi pa rin makalabas ng kanilang bahay ang mga residente.

Sa nabanggit na sitio dumadaan ang mga tubig mula sa mas matataas na lugar sa lalawigan.

Sa Maylaybalay City, bumuti na rin ang panahon at humupa na ang baha. Pero kasabay nito ay nalantad ang pinsala ng kalamidad sa barangay Aglayan at Cabangahan kung saan ilang kabahayan ang nawasak.

Ang ilang residente na lumikas sa barangay hall na wala nang bahay na babalikan ang nanawagan ng tulong.

Tiniyak naman ng lider ng mga barangay na hindi nila pababayaan ang kanilang mga kababayan. -- FRJ, GMA News