FOI bill, gugulong na sa plenaryo ng Senado
Sabik na ang isang bagitong senador na talakayin sa plenaryo ang Freedom of Information Bill (FOI) na aniya'y, napapanahon nang maipasa dahil sa isyu ng paglustay ng ilang opisyal ng pamahalaan sa kaban ng bayan.
Nitong Huwebes, tiniyak ni Sen. Grace Poe, chairperson ng Senate committee on public information and mass media, na aarangkada ang FOI bill sa pagbubukas ng Senado sa Lunes, Oktubre 14, 2013.
Sa sponsorship speech nito noong Setyembre 24, 2013, nilinaw ni Poe na layunin ng FOI Bill ang buwagin ang katiwalian sa gobyerno, at gayundin ang matuto ang ordinaryong mamamayan na makialam at busisiin ang pinaggagastusan ng pera ng bayan sa bawat proyektong pinapasok ng pamahalaan.
"The proposed FOI Act is long overdue. Let us not delay its passage anymore. Let us heed the clamor of the people and approve this measure without further delay,” diin ng lady solon.
Aniya, panahon na para masinagan ng araw lahat ng transaksyon ng pamahalaan.
Ikinagalak din nito ang suporta ng kapwa niya mambabatas, ng publiko, at maging ang Malakanyang na idepensa ang kahalagahan ng panukala.
Kumpiyansa din si Poe na lulusot na sa pagkakataong ito sa Kongreso ang FOI bill, kasunod ng kaliwa’t-kanang pagkuwestiyon sa paglustay ng kaban ng bayan.
Ito ang pagkakalantad sa isyu ng Priority Develoment Assistance Fund (PDAF), Disbursement Acceleration Program (DA) at sobrang bonuses sa mga opisyal ng SSS.
Sakop ng panukala lahat ng ahensiya ng pamahalaan – executive, legislative at judicial branches, constitutionally mandated bodies, LGUs at government-owned and controlled corporations at government financial institutions.
Matatandaan lumusot sa Senado ang parehong panukala noong 15th Congress subali’t hindi naipasa sa Kamara de Reresantantes ang kanilang bersyon dahil sa kawalan ng korum. — Linda Bohol /LBG, GMA News