'Pag-ipit' umano ng ilang lokal na opisyal sa mga relief goods sa Bohol, aalamin
Pinakilos ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ang Philippine National Police (PNP) na alamin kung may katotohanan ang mga alegasyon na mayroon mga lokal na opisyal sa Bohol na nag-iipit sa halip na ipamahagi ang mga relief goods na para sa mga sinalanta ng lindol.
Ang direktiba ay ibinigay ni Roxas kay Chief Supt. Danilo Constantino, PNP director for Region 7, para matiyak na nakararating sa mga tao ang ipinamimigay na mga relief goods na naggagaling sa national at provincial government.
“Hindi naman tama na itago sa mga opisina ang mga relief goods na bigay ng national at provincial government. Kung talagang may nangyayaring ganito, dapat managot sa batas ang sinumang responsible sa relief hoarding,” nakasaad sa pahayag ng DILG.
Ang direktiba ay ipinalabas ni Roxas makaraang makatanggap umano ng reklamo mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), na mayroong mga biktima ng kalamidad na patuloy na hindi nakatatanggap ng tulong mula sa pamahalaan.
Hinihinala na ang pag-iipit sa mga relief goods ay nangyayari sa municipal o barangay level.
Naniniwala si Roxas na walang dahilan para hindi makarating sa mga tao ang tulong na ipinagkakaloob ng gobyerno dahil nadadaanan na ang mga kalsada maging ang patungo sa dating isolated na mga lugar ng Loon, Maribojoc at Antiquera.
Tiniyak din ng kalihim na ginagawa ng mga tauhan ng DSWD ang lahat para madagdagan pa ang repacking operations kaya walang dahilan para itago at ipitin ng mga lokal na opisyal ang mga relief goods.
“Hindi kailangang magtago ng relief goods dahil sa takot na maubos agad ito. May sapat na suplay ang DSWD para pakainin ang mga taong apektado ng lindol araw-araw,” giit ni Roxas.
Umaapela pa rin ng tulong
Sa kabila nito, patuloy naman na umaapela ng tulong gaya ng pagkain at tubig ang mga residente sa ilang lugar sa Bohol na naapektuhan ng lindol, ayon sa ulat ng GMA News TV's News To Go nitong Martes.
Sinabi sa ulat na limitado lamang ang rasyon ng tubig sa mga residente ng Loay, Bohol.
Magmula umano noong Miyerkules, isang container lang o limang galon ng tubig ang ibinibigay sa bawat isang pamilya.
Ayon sa isang residente na si Romeo Cabungcal, hindi sasapat ang isang container ng tubig sa kaniyang pamilya na may walong miyembro.
"Hindi palagi nagbibigay ng tubig, konti lang kasi maraming nasirang bahay. Pinakamapait (pinakamahirap) experience namin. Mabuti may tumulong sa aming mga kababayan namin, nag-ano nalang kami, naghihintay," kuwento niya. -- FRJ, GMA News