ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Seguridad sa jamboree sa Pangasinan, hinigpitan kasunod ng pagkalunod ng boy scout


Lalo pang hinigpitan ang seguridad sa isinasagawang Boy Scout Regional Jamboree sa Lingayen, Pangasinan matapos na malunod sa beach ang isang 12-anyos na estudyante.

Sa ulat ni Jazmin Gabriel ng GMA-Dagupan sa Balita Pilipinas Ngayon, sinabing nanindigan ang pamunuan ng Department of Education (DepEd-Region 1) at Regional Scout Committee na wala silang pagkukulang sa pagpapaalala sa mga lumahok na bawal ang maligo sa Lingayen beach.

Napag-alaman na nitong Lunes ng umaga ay nasita na ang limang estudyante nang makita nasa beach, kasama ang nasawing si Felix Caagay, mula sa Villasis, Pangasinan.



Bumalik naman daw sa kanilang training camp ang mga estudyante ngunit muli umanong nag-aya si Caagay na bumalik din sa beach.

Upang hindi na muling masita, dumaan umano sa ibang lugar ang grupo na malayo sa beach tower upang hindi sila makita. Pero hindi nagtagal, tumatakbo umanong humingi ng tulong ang ibang kasama ni Caagay dahil nalunod na ito.

Natangpuan ang bangkay ng biktima pagkaraan ng ilang oras.

Upang hindi na maulit ang insidente, dinagdagan ang seguridad sa jamboree pero nauna nang pinauwi ang grupong kinabibilangan ni Caagay. Nakatakdang magtapos ang jamboree sa Miyerkules. -- FRJ, GMA News