Imahen ng Birhen Maria sa isang simbahan sa Cebu, naghimala raw matapos ang lindol
Itinuturing ng mga deboto na himala ang umano'y pagbabago ng direksiyon ng mukha ng isang imahen ng Birhen Maria sa isang simbahan sa Cebu matapos maganap ang malakas na lindol sa Central Visayas.
Sa ulat ni Bexmae Juman-as ng GMA-Cebu sa GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon nitong Huwebes, sinabi ng ilang deboto na bago ang lindol, nakadiretso ang tingin ng imahen sa St. Augustine Parish church sa Alcantara, Cebu. Pero ngayon ay tila nakatagilid na ito matapos ang lindol.
"Nagtaka ako kasi nang mag-sign of the cross ako gamit ang holy water, napansin kong lumingon ang imahen kaya napatakbo sa kasama ko," ayon sa sakristan na si Mario Lester Septimo.
Ang presidente ng Parish Pastoral Council na si Balgame Lamosao, nagpakita ng larawan ng imahen bago ang paglindol. Naniniwala rin siya na nag-iba ang direksiyon ng mukha ng imahen matapos ng lindol.
Sinabi naman ng tagapagsalita ng Archdiocese ng Cebu na mahirap patunayan na naghimala nga ang imahen, at posible umanong nadala lamang ng emosyon ang mga deboto.
"Wala 'yang buhay, walang kaluluwa, walang espiritu, 'di naman 'yan gumagalaw. Tayong mga tao ang nagpapagalaw diyan," ayon sa tagapagsalita na si Msgr. Achilles Dakay.
Ngunit kung totoo man o hindi ang himala, ang mahalaga sa ilang deboto ay nagbibigay ito ng pag-asa sa kanila sa harap ngayon ng trahedya. -- FRJimenez, GMA news