Pangulo ng bansa na naging kapitan ng barangay
Kilala niyo ba kung sino sa mga naging pangulo ng Pilipinas na nagsimula ang karerang politikal sa pagiging kapitan ng isang barangay?
Sa edad na 17, itinalagang Cabeza de Barangay (barangay captain) ng Binakayan sa Cavite de Vieje (Kawit na ngayon), ang kinikilalang unang Presidente ng Pilipinas si Heneral Emilio Aguinaldo.
Maituturing pinakabatang naging kapitan ng barangay si Aguinaldo nang panahon iyon ng pananakop ng mga Kastila.
Sa kasalukuyang panahon, si Rovin Andrew Feliciano ang naging pinakabatang kapitan ng barangay sa bansa sa edad na 19. Nahalal siyang kapitan ng barangay Arkong Bato sa lungsod ng Valenzuela noong 2010 elections.
Nitong nagdaang May 2013 elections, nahalal naman si Feleciano bilang konsehan ng Unang Distrito ng Valenzuela sa edad na 21.
Sa ilalim ng Republic Act 7160 o Local Government Code (LGC) of 1991, dapat nasa edad 18 sa araw ng halalan ang mga kakandidatong kapitan at kagawad ng barangay.
Batay sa 2010 Census, mayroong 42,025 barangay sa buong bansa, na mas marami ng 31 barangay kumpara noong 2007. -- FRJ, GMA News