Opisyal ng special ops unit ng Northern Police District, patay sa ambush sa Q.C.
Patay sa pananambang sa Quezon City nitong Biyernes ng gabi ang pinuno ng special operations unit (DSOU) ng Northern Police District (NPD).
Nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan si Chief Inspector Romeo Ricalde Jr., matapos pagbabaril ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa Barangay Pansol, Quezon City, dakong 11:00 p.m.
Pauwi na umano ang biktima nang pagbabaril ng mga salarin. Nakita ang duguang katawan ng biktima sa driver seat ng minamaneho nitong Asian Utility Vehicle.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balitanghali" nitong Sabado, sinabi ng misis ni Ricalde na nakatatanggap ng mga banta sa buhay ang kaniyang mister.
Bago ito mapatay, nakausap pa umano niya ang mister sa telepono at masaya ito na papauwi na.
"Tinanong niya pa kung ano gusto kong pasalubong," umiiyak na kwento ng ginang.
Sinabi naman ng kapatid ng biktima na napaaga ng pag-uwi ang kaniyang kapatid nang tambangan ng mga salarin.
Idinagdag niya na dahil sa mga natatanggap na banta sa buhay, gumagamit ng iba't ibang sasakyan si Ricalde para hindi siya mamarkahan ng mga taong may masamang pakay sa kanya.
Ayon naman sa ilang residente, ilang putok ng baril ang kanilang narinig.
Nakuha ng mga imbestigador sa pinangyarihan ng krimen ang mga gamit ni Ricalde kabilang na ang tatlong cell phone at baril.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya para malaman ang motibo ng pagpatay sa biktima.
Ang NPD ay nakasasakop sa mga lungsod ng Caloocan, Valenzuela, Navotas at Malabon. -- JGV/FRJ, GMA News