Tourist spots sa Pilipinas, nais ipalagay sa postage stamps
Para lalo pang mai-promote ang magagandang tanawin ng Pilipinas sa buong mundo, isang panukalang batas ang isinusulong sa Kamara de Representantes upang obligahin ang Philippine Postal Service na mag-imprenta ng mga selyo o postage stamp na nakalagay ang mga tourist attraction ng bansa.
Sa ilalim ng House Bill 2417, na iniakda ni Parañaque City Rep. Eric Olivarez, binibigyan ng mandato ang PhilPost na tiyakin na mailalagay sa mga sulat na papunta sa ibang bansa ang naturang mga selyo na iimprenta na nagpapakita ng mga magagandang tanawin ng Pilipinas.
“Tourism authorities in the world concede that the Philippines has an abundance of tourist areas of unspeakable beauty, some of them have been developed and others are already beautiful in their natural state,” paliwanag ng kongresista sa isang pahayag.
Binigyan-diin ni Olivarez na mahalagang bahagi ng lumalagong ekonomiya ng bansa ang pagpapalakas sa turismo.
Naniniwala ang mambabatas na makatutulong sa kampanya ng Department of Tourism na “It’s more fun in the Philippines” ang naturang pag-imprenta ng mga selyo na may larawan ng mga tourist spot ng bansa.
“Surely, this could trigger interest for more information about the tourist areas which our Department of Tourism and Tourism Promotions Board (TPB) can provide that would surely attract foreigners to visit the Philippines,” aniya.
Nakasaad din sa panukalang batas na maaaring hingin ng PhilPost ang tulong ng DOT at TPB sa pagtukoy, pagdesenyo at iba pang kakailangan sa paggawa ng mga selyo.
Nitong nakaraang Abril, inilunsad ng PhilPost ang dalawang selyo na nagpapakita sa Banaue Rice Terraces sa Ifuagao at ang tourist destination ng Italy na Cinque Terre. Kaugnay ito ng ika-65 anibersaryo ng diplomatikong ugnayan ng Pilipinas at Italya, -- RP/FRJ, GMA News