Nasawi sa karahasan sa barangay elections, umabot na sa 22
Nakapagtala na ang Philippine National Police (PNP) ng 64 insidente ng karahasan kaugnay ng halalang pambarangay na idinaos nitong Lunes, Oktubre 28, na nagresulta na sa pagkasawi ng 22 katao at pagkakasugat sa 37 iba pa.
Ayon kay Senior Superintendent Reuben Theodore Sindac, hepe ng Public Information ng PNP, ang 64 poll-related violent incidents ay naitala magmula nitong Setyembre hanggang 11 p.m. ng Linggo, Oktubre 27.
Sa kabuuang 42,028 barangay sa bansa, umaabot sa 6,195 barangay ang itinuturing "election hot spots" o "areas of concern" ng PNP dahil sa mataas na posibilidad na magkaroon ng karahasan bunga ng mainit na labanan ng mga kandidato at pagkakaroon ng mga armadong grupo.
"Kapag sinabing areas of concern, ang meaning niyan, mayroong existence ng intense political rivalry and the threat of armed groups," paliwanag ni PNP chief spokesperson Senior Superintendent Wilben Mayor sa GMA News Online.
Nauna nang inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na inaasahan nila na higit na matindi ang halalang pambarangay dahil na rin sa magkakakilala at magkakalapit ang mga naglalaban sa posisyon.
"The fact that you are in the same community, tensions tend to rise higher especially when you're talking about your partisans," paliwanag ni Comelec spokesperson James Jimenez sa ulat ng GMA news "24 Oras" noong nakaraang linggo.
Sa listahan ng PNP, nakasaad na nasa Mindanao ang may pinakamaraming barangay na nakalagay sa "areas of concer" na umaabot sa 3,056. Sinundan ito ng Visayas region na may 1,601 at ang Luzon na may 1,538 barangay.
Ayon kay Mayor, ang pagkakaroon ng mga armadong grupo sa Mindanao gaya ng Abu Sayyaf at New People's Army ang naging dahilan kaya mas mataas ang panganib ng karahasan sa Mindanao.
"Karamihan ng mga threat group are usually in the area of Mindanao," anang opisyal.
Sa 10 lalawigan na nakalagay sa "areas of concern," anim dito ang nasa Mindanao, tatlo ang nasa Visayas at isa sa Luzon.
Karahasan sa araw ng halalan
Sa araw ng halalan nitong Lunes, nakapagtala ang PNP ng karagdagang insidente ng karahasan na nagresulta sa pagkasawi ng lima katao.
Sa paunang impormasyon ng pulisya, lumitaw na mula sa Negros Occidental ang dalawang nasawi at tig-isa naman sa Maguindanao, Basilan, at Samar.
Nahigitan na ng 2013 barangay elections ang bilang ng mga nasawi at nasaktan sa nakaraang May 2010 presidential elections na nakapagtala ng 15 nasawi at 15 nasugatan.
Gayunman, mas marami pa rin ang insidente ng karahasan noong 2007 elections na umabot sa 101 na nagresulta sa pagkasawi ng 27 katao, at ikinasugat ng 45 iba pa. -- FRJ, GMA News