Kapunan, nagbitiw bilang abogado ni Napoles — De Lima
Nagbitiw na umano si Lorna Kapunan bilang pangunahing abogado sa kasong "serious illegal detention" ni Janet Lim-Napoles, ang itinuturing na utak sa P10-bilyong pork barrel scam, ayon kay Justice Secretary Leila de Lima nitong Miyerkules.
"I don't know the reason(s). It's a matter between her and her client," ayon kay De Lima sa isang text message sa mga reporter, ilang sandali matapos umano mag-walk out si Kapunan sa bail hearing ng kliyente sa Makati Regional Trial Court Branch 150.
Habang nasa hearing, may inabot umanong isang pirasong papel si Kapunan kay Judge Elmo Alameda at bigla itong lumabas sa courtroom.
Hindi pa agad malaman kung anong nakasulat sa papel dahil sa panahong iyon, ayaw pang sagutin ng prosecution panel ang tanong ng media.
Sinubukang tawagan ng GMA News Online si Kapunan, ngunit naka-off ang kanyang mobile phone.
Samantala, wala pang natanggap ang court staff na pormal na pahiwatig mula kay Kapunan tukol sa kanyang umano'y pagbitiw bilang abogado ni Napoles.
Ayaw ding kumpirmahin ng abogadong si Christopher Garvida ang pagbitiw ni Kapunan. "We were told not to say anything. We might be cited in contempt," pahayag ni Garvida sa GMA News Online.
Ayaw ring magsalita ang defense lawyer na si Alfredo Villamor tungkol sa isyu.
Hindi pa rin umano makumpirma ni prosecution lawyer Levito Baligod, abogado ng mga whistleblower, kung totoo ngang nagbitiw na si Kapunan.
"There was no formal withdrawal yet, so on record she's still the counsel," ayon kay Baligod.
"I don't know the reason why she is withdrawing as counsel, if that is true. Baka may internal dynamics between her and her collaborating counsels," dagdag pa nito.
Ngunit, aniya, kung totoo ngang nagbitiw na si Kapunan, wala itong epekto sa kaso. "[It will] not affect any procedure or any substantial issue surrounding the trial."
At kung totoo nga ang pag-atras ni Kapunan, sana makakuha umano ng "better replacement" ang kampo ni Napoles.
"Wala naman ako comment kung magaling si Kapunan o hindi. Basta kung maghahanap si Napoles ng bagong abogado, we are hoping she will be choosing iyong pangangalagaan ang karapatan niya," paglilinaw ni Baligod, at sinabing hindi naman "vengeful" individuals ang kanyang mga kliyente. — LBG, GMA News