SC: Dating Chief Justice Narvasa, 84, pumanaw na
Pumanaw na si dating Chief Justice Andres Narvasa nitong Huwebes ng umaga sa edad na 84, ayon sa pahayag ng Korte Suprema.
Sa isang post sa Twitter account nito, sinabi ng Korte Suprema na pumanaw si Narvasa, ang ika-19 punong hukom ng bansa, bandang 6:05 ng umaga.
"With deep regret, the SC announces the passing of the Hon. Andres R. Narvasa, the 19th Chief Justice, at 6:05 this morning. He was 84," ayon nito.
Nagsilbing punong hukom ng bansa si Narvasa mula 1991 hanggang 1998, at defense counsel ni dating Pangulong Joseph Estrada sa impeachment trial nito.
Nakasaad sa Fortun Narvasa Salazar law office website na ipinanganak si Narvasa noong 1928 at na-admit sa Bar noong 1951.
Nagtapos siyang magna cum laude mula sa University of Santo Tomas, at ginawaran ng honoris causa mula sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila at UST, at Angeles University Foundation.
Kabilang sa kanyang practice ay Arbitration, Constitutional Law, at Conflict of Law, ayon sa site.
Ayon naman sa Korte Suprema, nagsilbi si Narvasa bilang Chief Justice mula Disyembre 8, 1991 hanggang Nobyembre 30, 1998.
Dati rin siyang dean ng Faculty of Civil Law ng University of Santo Tomas.
Bago siya pumasok sa Korte Suprema, nagsilbi siya bilang general counsel ng Agrava Fact-Finding Board na nag-imbestiga sa pagpaslang kay dating Sen. Bengino Aquino Jr., ama ni Pangulong Benigno Aquino III.
Ayon sa anak ni Narvasa sa si Gregorio "Ogie" Narvasa II, pumanaw ang kanyang ama bandang 5:30 ng umaga, ilang oras matapos itong isugod sa ospital.
"May infection, pneumonia ... Hindi naman [siya] nahirapan," ayon sa nakababatang Narvasa sa panayam ng dzBB.
Si Narvasa ang nag-administer sa Oath of Office ng mga pangulong sina Fidel V. Ramos at Joseph Ejercito Estrada, ayon sa isang artikulo sa Senate Electoral Tribunal website.
Matapos siyang magretiro noong 1998, hinirang siya ni Estrada bilang chairman ng Preparatory Commission for Constitutional Reform, isang "independent commission" na itinatag upang pag-aralan Saligang Batas at magmungkahi ng "positive modifications." Nagsilbi siya mula 1999 hanggang 2000.
Samantala, ayon sa isang ulat sa Philippine Center for Investigative Journalism website, si Narvasa ay "popular with the press," at binansagang "Gray Dean," dahil sa kanyang "salt-and-pepper crewcut." — Amanda Fernandez /LBG, GMA News