Sandigan tinanggap ang 'second envelope' na ebidensya ni Erap sa plunder case
Tinanggap na ng Sandiganbayan bilang ebidensiya sa kasong plunder na isinampa laban kay dating Pangulong Joseph Estrada ang laman ng kontrobersiyal na âsecond envelope" sa impeachment trial noong 2000. Naging sanhi ng pagpapatalsik kay Estrada noong Enero 2001 ang pagpigil ng mga kaalyado niyang senador sa pagbubukas ng âsecond envelope" at pagprisinta dito sa impeachment court. Nilalaman ng âsecond envelope" ang sulat mula kay Romualdo Dy Tang, opisyal ng Equitable PCI-Bank, na nagsabing ang diumanoây kaibigan ni Estrada na si Jaime Dichaves ang may-ari ng "Jose Velarde" account na may depositong umabot sa P3.23 bilyon habang presidente si Estrada. Ibinaba ang desisyon makaraang ibasura ng Sandiganbayan Special Division ang lahat ng pagtutol ng prosekusyon at tanggapin ang lahat ng ebidensiyang ipinasok ng mga abugado ni Estrada. Sinabi ni Jose Flaminiano, abugado ni Estrada, pinaplano nilang maghain ng motion for reconsideration upang ang pito pa nilang documentary exhibits ay tanggapin din ng korte. Sinabi nito na ang naunang hindi pagtanggap sa pitong exhibits ay âsimple oversightâ na maaaring maitama sa pamamagitan ng motion for reconsideration. âWe failed to attach those documents that were not admitted. Usual lang naman yan, sa sobrang dami ng evidence, di maiwasan na may nakakalimutan," pahayag ni Flaminiano. Inaasahang mapasisinungalingan ng laman ng âsecond envelope" ang mga ipinahayag nina prosecution star witness Clarissa Ocampo, Manuel Curato at Ilocos Sur Gov. Luis âChavitâ Singson na tumestigong si Estrada ang may-ari ng Jose Velarde account sa Equitable-PCI Bank. Nakasaad sa mga rekord ng bangko na umabot sa P3.2 bilyon ang laman ng Velarde. Sinabi ng panig ng prosekusyon na nanggaling ito sa umano ay nakuhang payola ni Estrada mula sa illegal na sugal, tubo mula sa stock market transaction ng Social Security System at Government Service Insurance System at kita sa ibaât ibang proyekto ng gobyerno. Tinanggap rin ng korte bilang ebidensiya ang mga audit report na nagdedetalye ng ibaât ibang milyong pisong anomalya mula sa mga transaksyon ng Ilocos Sur provincial government sa ilalim umano ng pamumuno ni Singson. Tinangkang pigilan ng mga abugado ng gobyerno ang pagtanggap sa mga ebidensya ng panig ng depensa dahil âimmaterial" at âirrelevant" umano ang mga ito o paglabag sa âbest evidence ruleâ. Subalit hindi ito pinanigan ng korte dahil tumestigo na umano si Dy Tang hinggil sa kinukwestiyong sulat at dokumento ng banko habang ang mga ulat ng Commission ng Audit ay pinatunayan na ng testigo ng depensa na si Agaton Dacayanan na provincial auditor ng Ilocos Sur mula 1995 hanggang 1998. âThe prosecutionâs objections refer more to the probative value of the documents which will be duly considered by the Court in its decision," ayon sa 14-pahinang resolusyon ng Sandiganbayan. - Amita Legaspi, GMANews.TV