ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ilaw na ipinalagay ng punong barangay, ipinalagare matapos matalo


Nabalot ng kadiliman ang isang kalsada sa barangay San Julian sa Malasiqui, Pangasinan matapos ipalagare ng natalong punong barangay ang mga poste na pinagkabitan ng mga ilaw na kaniyang ginastusan at ipinatayo.

Sa ulat ni CJ Torrida ng GMA-Dagupan sa GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, sinabing ipinaalis ni outgoing barangay chairwoman Virginia Morales ang mga ilaw dahil patapos na ang kaniyang termino.

Nabigo si Morales na manatili sa kaniyang posisyon matapos na matalo nitong nakaraang barangay elections.



Ayon sa isang residente, noong bilangan pa lamang ng mga boto, ipinapatay na umano ni Morales ang mga ilaw nang makitang natatalo na ito sa bilangan.

Paliwanag naman ng kapitana, may mga resibo siyang hawak na magpapatunay na sariling pera niya at hindi pondo ng barangay ang ginastos niya sa pagpapalagay ng mga ilaw.

Ngunit paliwanag ng kinatawan ng Department Interior and Local Government, maituturing donasyon na sa barangay ang mga ilaw kaya hindi na dapat inalis.

Kinumpiska na ng pulisya ang mga hinakot na ilaw ni Morales.

Gagawa naman umano ng paraan ang iba pang lokal na opisyal ng barangay para maayos ang naturang problema. -- FRJ, GMA news