ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Albay, naghahanda na sa pagdating ng bagyo na tatawaging 'Yolanda'


Naghahanda na ang lokal na pamahalaan ng lalawigan ng Albay kaugnay sa inaasahang pagtama sa Bicol region ng paparating na bagyo na tatawaging "Yolanda."  

Dahil sa babala ng PAGASA na posibleng magdala ng malakas na hangin at ulan ang paparating na bagyo, nagsagawa na ng emergency meeting ang Albay Public Safety and Emergency Management Office at ang Office of the Civil Defense nitong Martes.

Layunin ng nasabing pagtitipon na planuning mabuti ang gagawin pre-emptive evacuation bago pa man maramdaman hagupit ng bagyo sa Bicol region na inaasahang sa loob ng tatlong araw.

Basahin: Possible super typhoon may hit PHL on Thursday

Sa pagtaya ng OCD at APSEMO, aabot sa 26,000 hanggang 119,000 katao ang kakailanganing ilikas kapag direktang tumama ang bagyo sa Bicol, lalo na kung direkta nitong mahahagip ang Albay.

Tinukoy na rin ang mga lugar na madalas na bahain, magkaroon ng landslides at maging ang pag-agos ng lahar mula sa bulkang Mayor.

"We expect to do evacuation lalo na sa high risk dito sa Kabikolan particularly dito sa Albay. Those barangays around (Mt) Mayon, sa mga coastal communities nila at low lying area. Identified na ito at priority na ililikas. Isa ito sa mga strategy to ensure zero casualty during disasters," ayon kay Director Raffy Alejandro.

Inatasan na rin ni Albay Governor Joey Salceda ang Provincial Social Welfare and Development Office na ihanda ang mga bigas at gamot na kakailanganin ng mga ililikas sa isasagawang pre-emptive evacuation.

Inihanda na rin ang mga sasakyan ng militar, pulisya at Navy na kakailanganin sa paglilikas ng mga residente.

Matatandaan na maraming residente sa Bicol region ang nasawi nang manalasa ang bagyong "Reming" noong Nobyembre 2006. -- Michael B. Jaucian/FRJ, GMA News