Pagbuo sa bagong lalawigan sa Davao region, kinatigan sa plebisito
Tuloy na ang paglikha sa bagong lalawigan ng Davao Occidental matapos mamayani sa isinagawang plebisito ang botong "yes" na biyakin ang lalawigan ng Davao del Sur.
Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, sinabing 180,162 residente ng Davao del Sur ang bumoto pabor na biyakin ang kanilang lalawigan para malikha ang Davao Occidental. Samantala, umabot naman sa 55,139 ang mga bumoto ng "no."
Isinagawa ang plebisito nitong Oktubre 28 na isinabay sa barangay elections.
Ayon sa Comelec-Davao del Sur, sapat na ang naturang bilang ng mga boto para likhain ang Davao Occidental kahit pa mahigit kalahati ng populasyon ng Davao del Sur ang hindi bumuto sa plebisito.
Ang pagbuo sa Davao Occidental ay alinsunod na ipinasang batas na Republic Act 10360.
Magiging bahagi ng bagong lalawigan ng Davao Occidental ang mga bayan ng Don Marcelino, Jose Abad Santos, Malita, Sta Maria at Sarangani. Mananatili naman sa Davao del Sur ang Digos City, Sta Cruz, Bansalan, Matanao, Magsaysay, Hagonoy, Sulot, Padapa, Kiblawan at Malalag. -- FRJ, GMA News