ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga pari at madre sa mga lugar na sinalanta ni Yolanda, dumadaing ng tulong


Inihayag ni Archdiocese of Iloilo Social Action Center director Msgr. Meliton Oso na para sa kapakanan ng mga mamamayan at mga survivor sa pananalasa ng bagyong Yolanda ay kumakatok siya ng tulong.

Ayon sa pari, maraming lugar sa lalawigan ng Iloilo ang totally devastated at marami pang bayan tulad ng Carles, Ajuy, Barotac Viejo, Concepcion, Batad, San Dionisio, San Rafael, Balasan, Estancia, Sara at Janiuay ang isolated matapos dumanas ng matinding hagupit ng bagyong Yolanda.

“Di ako sanay humingi. Ang prinsipyo ko po kasi ay do not ask, but also do not refuse. But in the name of our people, in the name of our survivors of super typhoon Yolanda, the devastation is so great. After 53 years and 22 years as SAC director ay ngayon ko pa lang nakita ang devastation na dala ng isang bagyo. Our people are in great need of whatever help you can extend – pagkain, tubig, temporary shelter until we can think on how to rehabilitate our people,” panawagan ni Msgr. Oso sa Radio Veritas.

Umaasa si Mgsr. Oso na tutugunan ng mga may malasakit sa kapwa ang paghihirap na dinaranas ng mga taga-Iloilo.

“We are appealing to you, sa inyong lahat sana po 'yung concern, yung kabalaka sa Hiligaynon o pagmamalasakit ay magiging concrete sa pamamagitan ng pagtulong sa ating mga kababayan,” pahayag ni Msgr. Oso.

Samar

Iniulat naman ni Fr. Cesar Aculan, Social Action Center director ng Diocese of Calbayog, na tatlong bayan sa Samar na kinabibilangan ng Basey, Marabut, at Sta.Rita ang lubhang sinalanta ng bagyong Yolanda.

Inamin ni Fr. Aculan na hanggang sa kasalukuyan, tatlong araw makalipas ang bagyo, ay wala pa silang eksaktong bilang sa mga nasawi at nawawalang residente.

Inilarawan ni Fr. Aculan na nakapanlulumo ang senaryo pagkatapos ng bagyo dahil maraming tahanan rin ang nawasak. Wala ding kuryente sa nasabing mga lugar na sinasabing dalawang buwan pa bago maibalik.

Palawan

Samantala, iniulat sa Radio Veritas ni Fr. Ed Parino, Social Action Center director ng Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan, na apat na bayan sa Calamian Group of Islands ang grabeng sinalanta ng super typhoon Yolanda.

Ayon kay Father Parino, kabilang dito ang Busuanga, Coron, Culion, at Linapacan na winasak ang karamihan sa mga bahay. Sa isang barangay lamang ay may 40 ang nakitang mga bangkay.

May 63 barangay sa apat na bayan na ito ng Palawan, na may humigit kumulang 100,000 na populasyon.

Maliban dito, bagsak din ang komunikasyon at supply ng kuryente sa mga lugar at sarado ang mga establisimyento partikular sa Coron, kung saan ang control tower ng airport sa Busuanga ay bagsak.

Sinabi ni Fr. Parino na sa ngayon, sa pier lamang ang uri ng transportasyon at limitado pa ito dahil hindi pa bumibiyahe ang ilang mga barko.

Caritas relief ops

Sa panayam ng Radio Veritas, nanlulumo at hindi maisalarawan nina Fr.Ulysses Dalida ng Diocese ng Kalibo; Fr.Joel Penafiel, parish priest ng St. Agustin parish sa Coron, Palawan; Archdiocese of Palo Social Action Center director Isagani Petillos; Fr.Robert Amurao, SAC director ng Vicariate of Taytay, Palawan; Fr.Chito Lozada, SAC director ng Diocese of Talibon; at Sister Myrna Arcetono ng St. Paul Academy sa Bantayan, Cebu ang pinsalang iniwan ng bagyong Yolanda sa kanilang mga lugar.

Inihayag ng mga ito na nakakalat lamang sa mga kalsada ang mga patay, maraming mga sira-sirang bahay, at nawawalan na ng pag-asa ang mga nakaligtas sa bagyo.

Tinukoy din ng mga pari at madre ang lubos na pangangailangan ng mga biktima ng bagyo sa pagkain, gamot, tubig, masisilungang bahay, mga medical representative at mga damit.

Samantala, naghahanda na ang Caritas Manila para sa kanilang relief operations na isasagawa sa mga naapektuhan ng Super Typhoon Yolanda.

Ayon kay Radyo Veritas president Fr. Anton CT Pascual, executive director ng Caritas Manila, nakahanda na ang mga pagkain, tubig, at gamot na kanilang ipapamahagi.

Sinabi pa ni Fr. Pascual na sa usapin ng pagtulong ng cash, nakikipag-ugnayan na sila sa mga diocese sa Visayas lalo na yung mga grabeng nasalanta para ito maipaabot kasabay ng panawagan ng tulong para sa mga biktima. – Ulat mula kay Arnel Pelaco, VERITAS News and Social Concerns