Radio anchor na nag-uulat ng pananalasa ni 'Yolanda,' kabilang sa mga nasawi sa Tacloban
Hindi marahil inakala ng radio anchorman na si Ronald Viñas ng DYVL Aksyon Radyo Tacloban, na ang pag-uulat niya sa hagupit ng bagyong "Yolanda" ang magiging huling pagsisilbi niya sa publiko bilang mamamahayag.
Sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo noong Biyernes, umere sa himpapawid ang tinig ni Viñas upang ibalita sa kaniyang mga tagapakinig ang mga nangyayari sa pananalasa ni Yolanda.
Ngunit pagkalipas ng ilang oras, naputol na sa ere si Viñas.
Nang humupa ang delubyo, kabilang si Viñas at ang radio technician na si Allan Mendiola sa mga nasawi sa pananalasa ni "Yolanda." Hindi nakaligtas sa daluyong ng dagat o storm surge ang kanilang radio station, ayon sa ulat ng pahayagng Sun Star Cebu nitong Martes.
Sinasabing naputol ang programa ni Viñas habang nagbibigay ng typhoon updates ang radio station, ayon sa ulat ni Niño Padilla, Manila Broadcasting Company network head for news at station manager ng DYRC Cebu.
Ayon pa kay Padilla, kabilang sa mga nawawala ang tatlong drama talent na nasa loob din ng two-storey building. Nandoon din umano ang kanilang mga pamilya na sumilong sa gusali nang panahon ng pananalasa ng bagyo.
Ang radio station ay nasa coastal barangay ng Poblacion sa Tacloban City, patuloy ni Padilla.
Sa talaan hanggang nitong Lunes ng gabi, mayroong 1,774 nasawi dahil sa bagyo na karamihan ay nasa Region 8, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Ngunit pangamba ng ilang lokal na opisyal, posibleng umabot sa 10,000 katao ang maaaring nasawi sa Tacloban pa lamang. -- may ulat din mula AP/FRJ, GMA News