ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Convoy ng relief goods para sa mga biktima ni 'Yolanda,' binalak daw tambangan


Dalawang miyembro umano ng New People's Army ang napaslang matapos makasagupa sa Matnog, Sorsogon nitong Martes ang tropa ng pamahalaan na escort sa paghahatid ng relief goods para sa mga biktima ni "Yolanda" sa Samar at Leyte.

Ayon kay Col. Joselito Kakilala, 903rd Infantry brigade commander, dakong 5:30 a.m. nang makasagupa ng mga sundalo ang may 15 armadong lalaki sa Barangay Bolacawe sa Matnog, Sorsogon.
 
Balak umanong tambangan ng mga rebelde ang tropa ng pamahalaan na kasamang maghahatid ng relief goods patungo sa Samar at Leyte. 
 
Matapos ang may ilang minutong bakbakan, kinilala ang mga nasawing rebelde na sina Udyong Huardi aka "Ka Rio/Abel" at isang Ka Weng.
 
Si Huardi umano ang lider ng mga NPA na nag-ooperate sa lalawigan ng Sorsogon, habang commanding officer ng sentro de gravidad naman si Ka Weng.
 
Isang rebelde rin ang nasugutan at nadakip na si Peter Chija y Pelica, 19-anyos, residente ng Bulan, Sorsogon. Dinala siya sa isang pagamutan sa Legazpi City.
 
Nakuha ng mga sundalo sa pinangyarihan ng engkwentro ang tatlong M-16 rifles, isang baby armalite, isang M-14 carbin rifle, isang caliber .45 pistol at mga improvised explosive.  
 
Wala namang nasugatan o nasawi sa panig ng gobyerno.
 
Kasapi ng Bayan Muna, pinaslang
 
Samantala, isang kasapi ng Bayan Muna party-list group na nakabase sa Juban, Sorsogon ang binaril at napatay nitong Lunes.
 
Kinilala ni Vince Casilihan, pinuno ng Karapatan Bicol, ang biktima na si Wellington Brogada Jr, 50-anyos, ng Barangay Catan-agan.
 
Binaril umano ang biktima sa harapan ng bahay nito ng dalawang suspek na nakasakay sa motorsiklo.
 
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng pagpatay kay Brogada, ayon kay Police Insp. Malou Calubaguib, Bicol PNP spokesperson.
 
Sa listahan ng Karapatan bicol, ika-apat na biktima na umano ng extra judicial killing sa Sorsogon si Brogada, at pang-39 sa buong rehiyon ng Bicol sa ilalim ng liderato ni Pangulong Benigno Aquino III. -- Michael Jaucian/FRJ, GMA News