Leyte, Samar, wala pa ring kuryente 5 araw matapos manalasa si Yolanda
Walong probinsiya sa Visayas ang nananatiling walang kuryente ilang araw matapos tumama si super bagyong Yolanda (Haiyan) at wasakin ang aabot sa 248 na transmission towers at 198 na poste ng kuryente, ayon sa National Grid Corporation of the Philippines noong Martes.
Dahil walang kuryenteng nakadadaloy mula sa Luzon patungo sa Visayas, wala pa ring ilaw sa mga probinsiya ng Leyte, Southern Leyte, Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Capiz, Aklan, at Antique, ayon sa NGCP sa Twitter account nito.
Ayon sa NGCP, “248 transmission towers and 198 poles are either toppled or broken, and 120 poles are leaning.”
Dagdag ng NGCP, 60 porsyento daw ng nawasak na mga structure ay nasa Panay Island sa kanlurang Visayas.
Dagdag pa nito, ang mga pasilidad nito sa Leyte at Samar ay out of commission pa rin at ang 350 kilovolt na high voltage direct current line na nagli-link ng Leyte sa Luzon ay putol pa rin.
Offline rin sa power grid ang isang transmission line sa Bohol, dalawa sa Negros Island at dalwang substation sa Panay Island.
Nasa 30 line crews na ang ipinadala mula sa Luzon patungong Visayas upang ayusin ang mga nasirang linya ng kuryente.
Sabi rin ng NGCP, kulang ang power capacity ng Visayas grid ng 100 megawatts sa peak demand nito.
"As of November 12, the total capacity of the Visayas grid is 1058 MW with a peak demand of 1158MW.” — LBG, GMA News