P16.05-B bonus ng mga kawani ng gobyerno, iniutos ni PNoy na ibigay na
Kasunod ng malawakang pinsala na iniwan ng bagyong "Yolanda" sa ilang lugar sa Visayas region, iniutos ni Pangulong Benigno Aquino III na maagang ibigay ang year-end bonus ng mga kawani ng pamahalaan na aabot sa P16.05 bilyon.
Sa isang pahayag nitong Miyerkules, sinabi ni Budget Secretary Florencio Abad, na matatanggap ng 1,209,375 kawani ng gobyerno ang balanse ng kanilang 13th month pay at cash gift na nagkakahalaga ng P5,000.
Nauna nang natanggap ng mga kawani ang kalahati ng kanilang 13th month pay noong nakaraang Mayo.
Ang bonus ay para sa mga civilian at uniformed personnel sa lahat ng kagawaran at ahensiya, pati na ang mga regular co-terminus employees sa pamahalaan.
"As early as today [Wednesday] after the President authorized it. The allotments have been with the agencies and all they needed is authorization from the President which was secured today," tugon ni Abad nang tanungin kung kailangan maibibigay ang bonus.
Sinabi ng kalihim na karaniwang sa Disyembre ibinibigay ang nabanggit na bonus.
Sa maagang pagbibigay ng bonus, umaasa si Abad na makatutulong ito lalo na sa mga napinsala ng mga kalamidad.
“With billions in damage already in view – not to mention the irretrievable loss of life in Yolanda-stricken areas – the Aquino administration is tapping all its resources to mobilize relief operations in all affected areas and communities,” ayon sa opisyal.
“But we also need to account for how Yolanda’s survivors will fare in the aftermath, or how their friends and relatives can help in the wake of such a disaster. We hope to address that with the early release of year-end bonuses for all uniformed and civilian personnel in government,” dagdag niya.
Noong 2009, sinabi ni Abad na buwan ng Setyembre nang ibinigay ang year-end bonuses sa mga kawani ng gobyerno dahil naman sa pinsalang idinulot ng bagyong "Ondoy."
“President Aquino recognizes that with little to no resources, government employees who were affected by the super typhoon will have a very difficult time getting back to their feet," aniya.
"We recognize, as well, that millions of public servants whose respective cities were spared by Yolanda are only too keen on giving what they can and helping those who survived such a horrific calamity,” paliwanag pa ni Abad.
Maliban sa pinsala ni "Yolanda," ilan pa sa matinding kalamidad na tumama sa bansa ay ang Zamboanga City seige noong Setyembre, pagtama ng bagyong "Santi" sa Central Luzon nitong Oktubre, at nasundan ng lindol sa Cebu at Bohol kung saan mahigit 200 katao ang nasawi. —FRJ, GMA News