Pighati ng ina na nawalan ng anak habang tumutulong sa ibang biktima ni 'Yolanda': 'Sorry, Lorenzo'
Habang abala sa pagtulong sa kanilang mga kababayan na sinasalanta ng bagyong "Yolanda" sa Ormoc City, Leyte, walang kamay-malay ang mag-asawang Rita at Gene Managbanag sa sinapit na kapahamakan ng sarili nilang anak.
Bilang principal ng paaralan na ginawang evacuation center, pinamahalaan ni Rita ang pag-asikaso sa kaniyang mga kababayan nakisilong sa eskwelahan nang panahong nanalasa ang bagyo. Samantala, ang kaniyang mister na si Gene ay naging abala naman sa pagbato ng mga impormasyon sa rescue team bilang radio communicator nang mga sandaling iyon.
Habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, nasa kanilang bahay naman ang walong-taong-gulang nilang anak na si Lorenzo sa paniwalang magiging ligtas ito sa hagupit ni "Yolanda" dahil ilang bagyo na rin ang pinagdaanan ng kanilang tahanan.
Pero nangyari ang hindi nila inaasahan.
Sa exclusive report ni GMA News reporter Bam Alegre sa "24 Oras" nitong Huwebes, ikinuwento ni Gene ang nangyari.
"Last namin na sabi ko sa kanya, in case na tumaas yung tubig... na-contact ko na rin yung pinaka-nearest neighbor namin na, in case na magkuwan okey naman siya lilipat kami doon sa bahay niya... kasi 'pag lumipat sa ibang bahay ang nakatama daw (kay Lorenzo) is 'yong bubong," ayon kay Gene, miyembro ng Kabalikat Civic Communicators Association, Inc.
Dahil sa tinamong sugat, naubusan ng dugo ang bata at hindi na umabot ng buhay sa pagamutan.
Si Lorenzo ang naitalang unang casualties sa pananalasa ni "Yolanda" sa Ormoc City, ayon sa ulat.
Hindi napigilan ni Rita na mapaiyak nang balikan ang sandali na wala sila sa tabi ng anak nang mangyari ang trahedya.
'Sorry, Lorenzo...kahit wala kami sa tabi mo; si mommy, si daddy, saka si kuya, si ate, it doesn't mean na hindi namin..." umiiyak na pahayag ng ina para sa kaniyang anak.
Kabilang si Lorenzo sa may 31 kataong nasawi sa Ormoc city dahil sa naging pananalasa ni "Yolanda."
Sa pinakahuling tala sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 2,357 katao ang kabuuang nasawi sa nangyaring kalamidad, at 3,853 katao ang nasaktan at may 77 ang nawawala.— FRJ, GMA News