ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Paano pinaghandaan ng Camotes Island ang pagdating ni Yolanda?


Mahalaga na maitatag ang Disaster Risk Reduction and Management Office at hindi compliance lamang para lubos na makapaghanda sa pagdating  ng delubyo o bagyong gaya ni "Yolanda."

“Ang lesson learned natin dito ay mahalagang  maitatag sa isang munisipalidad o bayan ang DRRMO dahil ito ang magiging gabay ng local leaders sa mga paghahanda. Ito ang magtatrabaho sa oras ng kalamidad,” ayon kay ex-mayor Al Arquillano ng San Francisco sa Camotes Island sa panayam ni Nimfa Ravelo ng DZBB nitong Sabado.

Ang bagyong Yolanda ay pumatay ng maraming tao at nagpabagsak sa maraming kabahayan at istruktura sa iba't ibang isla mula Samar hanggang Palawan sa gitnang bahagi ng bansa noong Nobyembre 8.

Ayon sa dating mayor, bagama’t nawasak ang maraming kabahayan sa isa pang maliit na isla sakop ng San Francisco, masaya siya dahil walang namatay sa kaniyang nasasakupan.

Ang Camotes Island ay binubuo ng tatlong isla na may apat na munisipalidad -- San Francisco, Poro, Tudela, at Pilar. Ito ay nasa hilagang silangan ng Cebu Province, at may halos 90,000 populasyon.

Bagaman zero casualty ang San Francisco, mayroon namang limang naitalang nasawi sa buong isla ng Camotes dahil sa bagyo.

Ayon kay Arquillano, nailikas nila ang mga tao isang araw bago ang pananalasa ng itinuturing na "killer typhoon" dahil hindi na nagbago pa ang direksyon ng bagyo.

“We identified our evacuation centers. Hindi namin sila dinala dun sa mga lumang schools. Sa mga bagong paaralan sa isla namin sila inilikas, na matibay ang pundasyon at may proteksyon laban sa storm surge na umabot sa tatlong metro,” ayon pa kay Arquillano.

“Ang design ng bagong school buildings namin ay ibinase sa Plan International kasi matibay siya sa malakas na hangin,” dagdag niya.

Handa rin, aniya, sa naging problema ng mga tao sa isla ang emergency food packs para sa 1 hanggang 3 araw na suplay dahil bukod sa laging may handa ang LGU, nagdala din ang komunidad ng kani-kanilang pagkain sa evacuation centers.

“Hindi namin pinroblema ang pagkain kasi ang komunidad na ang nagdala ng kanilang pagkain sa evacuation centers. Tamang-tama lang dahil nakakuha na kami ng relief mula sa government bago pa maubos ang supply,” ayon sa dating alkalde.

“So wala kaming masyadong gastos sa meals. Island kasi kami, matagal makarating sa amin ang relief kaya di kami umaasa sa gobyerno masyado,” aniya.

Sa ngayon, aniya, unti-unti nang naibabalik ang kuryente, tubig, at komunikasyon sa isla.

Sisikapin din umano ng Camotes Island na tuluyan nang hindi pabalikin ang mga residente sa isang maliit na isla ng San Francisco, dahil delikado ito sa storm surge o daluyong, at mananatili na lamang sa kapatagan.  — Linda Bohol /LBG, GMA News