Tulay na sinasabing 'tanda ng pag-ibig' ni Marcos kay Imelda
Alam niyo ba kung saan makikita ang pinakamahabang tulay sa Pilipinas na nagdudugtong sa dalawang lalawigan na ipinagawa ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na sinasabing "regalo" at "pagpapakita" ng pagmamahal nito sa kaniyang misis na si dating First Lady at ngayo'y Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos.
Ang naturang tulay ay ang San Juanico Bridge, na tinatawag ding "Marcos bridge" -- na nagdudugtong sa Samar (sa Santa Rita) at Leyte (sa Tacloban). Ito ang itinuturing pinakamahabang tulay sa Pilipinas na may habang 2.1 kilometro at may taas na 41 meters above sea level.
Sinimulan ang konstruksiyon ng tulay noong 1969 at natapos noong Disyembre 1973. Sinabing umabot sa $21.9 milyon ang pondong inilaan sa tulay na mayroong 50 pier o columns.
Ilang beses na ring ipinakita ng tulay ang katatagan nito laban sa mga kalamidad. Gaya na lamang ng naganap 7.6 magnitude quake noong Agosto 2012 na tumama sa Eastern Visayas kung saan magkaroon lamang ng bahagyang pinsala ang tulay.
At nitong Nobyembre 9, sa kabila ng hagupit ng bagyong "Yolanda," nanatiling nakatayo ang tulay at naging mahalagang daanan para maiparating ang tulong sa mga biktima ni 'Yolanda' sa lungsod ng Tacloban, ang hometown ni Imelda. -- FRJ, GMA News