ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga bangkay na nadaganan ng sumadsad na mga barko sa lupa dulot ng bagyong 'Yolanda,' 'di pa nakukuha


Pinaniniwalaan na marami pang nasawing biktima ng bagyong "Yolanda," ang hindi pa nakukuha sa ilalim ng mga barko na sumadsad sa lupa sa Leyte. Kabilang na dito ang mga labi ng isang babae na nakaplanong magpakasal bago matapos ang taon.

Sa ulat ng GMA news "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing tatlong barko ang napadpad sa kalupaan dahil sa lakas ng alon na dulot ni "Yolanda" at tumama sa mga kabahayan sa Anibong, Tacloban City.

Kabilang sa mga bahay na nadaganan ng isang barko na MV Star Hilongos ay ang bahay ni Abi, na nakatakda na sanang magpakasal sa kaniyang nobyo na si Deb Bayron.



“Galing kami sa trabaho. Gusto pa nga niya sana na magkasama pa sana kami. Sabi ko sa kanya 'wag, baka abutan siya ng bagyo. (Sabi ko) 'Umuwi ka na muna' baka mag-alala yung mama niya,” kwento ni Bayron sa mga huling sandali na kasama ang nobya.
 
Hindi tuloy maalis sa isip ng binata na baka buhay pa sana ang kaniyang minamahal kung pumayag siyang manatili sa piling niya ang dalaga nang sandaling iyon.
 
“'Yon na nga yung iniisip ko. Wala na akong magawa. Huli na ang lahat,” aniya. “May plano na kami kasi siya yung nagsabi sa akin na magpapakasal na daw kami [ngayong taon].”
 
Dalawang linggo ang nakaraan mula nang manalasa ang bago, hindi pa rin naalis ang mga barko kaya nananatiling nasa ilalim nito ang mga naipit na biktima.
 
Kaya pakiusap ng pamilya ni Abi sa kompanyang nagma-may-ari sa barko, kumilos na para makuha ang mga labi ng kanilang mahal sa buhay.
 
“Sana naman po bigyan nila ng atensyon itong barkong napunta po sa amin. Gusto ko po makuha yung katawan ng pamilya ko. Hindi ko man sila makitang buhay, mabigyan ko lang sila ng sariling libingan. Sana po matanggal na 'yang [barko] diyan,” apela ni Roselyn Panogadia, pinsan ni Abi.
 
Sa pinakabagong impormasyon na ibinigay ni Interior and Local Government Sec. Mar Roxas, umabot na sa 4,919 katao ang nasawi sa bagyong  "Yolanda" at may 1,582 pa ang nawawala. -- FRJ, GMA News