Ang Bicolano sa likod ng klasikong awiting 'Sarung Banggi' (Isang Gabi)
Kilala niyo ba kung sino ang Bicolanong musikero at kompositor na lumikha ng klasikong awitin tungkol sa pag-ibig na "Sarung Banggi," na pumanaw habang patungo sa isang kompetisyon sa Amerika noong 1939?
Si Potenciano V. Gregorio Sr., ang lumikha sa awiting "Sarung Banggi," na bagaman sinulat sa salitang Bicolano ay nagustuhan ng buong bansa. Isinilang siya sa bayan ng Santo Domingo (dating Libog) sa lalawigan ng Albay noong Mayo 19, 1880.
Tinatayang may 12 komposisyon ng mga awitin ang kaniyang nagawa kasama ang kaniyang kapatid na si Bernardo.
Bago sumapi sa banda ng Philippine Constabulary noong 1918, pinamunuan muna ni Potenciano ang kanilang banda sa munisipalidad. Taong 1939 nang mapili siya na maging kinatawan ng bansa sa isang patimpalak ng mga musikero sa Amerika.
Ngunit nang nasa Hanolulu, Hawaii, nagkaroon ng pulmonya si Potenciano at binawian ng buhay noong Pebrero 12, 1939, at hindi na nakarating sa Amerika.
Unang inihimlay ang mga labi ni Potenciano sa La Loma Cemetery sa Quezon City. Pero pagkaraan ng 66 na taon, inilipat ang kaniyang mga labi sa kaniyang sinilangang bayan noong May 2005.
Tuwing buwan ng Mayo, idinadaos sa bayan ng Sto Domingo ang "Sarung Banggi" Festival bilang pagkilala sa naging kontribusyon ni Potenciano sa kanilang lugar. -- FRJimenez, GMA News