Saang halaga ng pera dapat ilagay si Bonifacio?
Kinikilala ang malaking ambag ng bayaning si Gat Andres Bonifacio sa kasaysayan ng pakikibaka para sa kalayaan ng Pilipinas mula sa mga mananakop na Kastila. Pero magmula noong 1930, ilang beses na palang nagpalipat-lipat ng pera ang imahe ng "Supremo" ng Katipunan, na ngayon ay makikita sa P10 kasama ang isa pang bayani.
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News, sinabi nito na 1930 nang unang mailimbag ang mukha ni Bonifacio sa perang 10 sentimo. Nang maitatag ang Bangko Sentral ng Pilipinas noong 1949, inilagay naman si Bonifacio sa P20 papel kasama ang bayaning si Gen. Emilio Jacinto.
Pero noong 1973, ipinalit sa P20 bill ang mukha ni dating Pangulong Manuel Quezon na hanggang ngayon ay nanatili sa nasabing dominasyon.
Sa panahon din iyon, inilipat at naging solo ang mukha ni Bonifacio sa P5 paper bill.
Iyon nga lang, pagkaraan ng 10 taon, inilipat muli ang mukha ng matapang na bayani na mula sa Tundo sa P2 coin, na hindi na nalalayo sa P1 coin na teritoryo ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal.
Ang masaklap nga lang, hindi rin nagtagal ay nawala na sa sirkulasyon ang P2 coin ni Bonifacio. At noong taong 2000, inilagay naman ang mukha niya sa P10 pero kasama ang bayaning si Apolinario Mabini.
Ang P5 na dating kinaroroonan ng mukha ni Bonifacio, teritoryo na ngayon ng kaniyang karibal sa pulitika na si Heneral Emilio Aguinaldo, ang unang Pangulo ng bansa at sinasabing may kinalaman sa pagpatay sa Supremo.
Paliwanag ni BSP Deputy Governor Diwa Guinigundo, inilalagay ang mga importanteng pigura sa kasaysayan ng bansa sa mas mababang dominasyon dahil mas nahahawakan ito ng mga tao, gaya ng piso ni Rizal.
Kung tatanungin naman si Kristoffer Esquejo, historial sa UP Diliman, ang kawalan ng permanenteng dominasyon na pinaglalagyan ni Bonifacio ay malungkot umanong katotohanan na walang malinaw na pagpapahalaga ang mga nagdaang administrasyong sa kinikilalang bayani ng masa.
Kung siya ang masusunod, nais ni Esquejo na ibalik ang pigura ni Bonifacio sa P5 o kaya naman ay sa P2 na hindi nalalayo sa piso ni Rizal.
Pero paliwanag ni Guinigudo, ang pananatili ni Bonifacio sa pera ng bansa ay patunay na binibigyan ng halaga ang dakilang Supremo. -- FRJimenez, GMA News