ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mayor ng Valencia City, Bukidnon, iniugnay sa pagpatay sa isang komentarista sa radyo


Iniuugnay ang alkalde ng Valencia City, Bukidnon sa pagpatay sa isang radio announcer na tinadtad ng bala ng anim na suspek noong Biyernes ng gabi.

Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Sabado, si Valencia City mayor Jose Galarion ay idinawit ni Vilma Camarillas sa pagpatay sa live-in partner nito na si Joas Dignos, radio commentator sa dxGT Abante Radio.

Naniniwala si Camarillas na may kinalaman sa trabaho bilang mamamahayag ang pagkamatay ni Dignos. Aniya, si Galarion ang madalas maging paksa ng mga komentaryo ng biktima nitong mga nagdaang araw bago ito pinatay.

Sa imbestigasyon, lumitaw na nakikipag-inuman si Dignos kasama ang mga kaibigan nang tumayo ito para umihi. Hindi nagtagal ay narinig na ang mga putok ng baril at pagsigaw ng biktima.



Tinatayang anim ang suspek sa krimen na tumakas sakay ng dalawang motorsiklo.

Sa dami ng tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan, kaagad na nasawi ang biktima.

Sa panayam naman sa anak ni Mayor Galarion na si Glen, sinabi nito na wala sa kanilang bahay ang kaniyang ama.

Tumanggi siya na sabihin ang kinaroroonan ng ama dahil na rin umano sa usapin ng seguridad bunga nang nangyaring insidente.

Gayunman, tiniyak niya na babalik ang kaniyang ama sa susunod na linggo.

Nahihirapan naman daw ang pulisya sa ginagawang imbestigasyon dahil ayaw na ni Camarillas na ipa-awtopsiya pa si Dignos.

Bukod dito, nagalaw din umano ang crime scene bago pa makarating ang mga awtoridad.

Ilang basyo ng bala mula sa kalibre 45 at 22 na baril ang sinasabing nakita sa lugar ng pinangyarihan ng krimen.

Sa isang pahayag, sinabi ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), na dati nang may natatanggap na banta sa buhay si Dignos.

Noong nakaraang Hunyo, hinagisan umano ng granada ang DXGT station.

"It really looks like (the killing) is work-related because he has no known enemies in his personal life, only those who objected to his program," ayon kay Joseph Deveza, safety coordinator for Mindanao ng NUJP.

Sa tala ng Human Rights Watch, mayroon nang 24 na mamamahayag ang pinaslang sa ilalim ng liderato ni Pangulong Benigno Aquino III.

"The killing of another Filipino journalist yesterday should prompt the Aquino administration to revisit its views about media killings in the Philippines and, more importantly, ensure that this recent murder and the ones before it are investigated fully," ayon kay Phelim Kine, deputy director for Asia ng HRW. -- FRJ, MA News