Paggamit ng cellphone habang nagmamaneho, nais gawing krimen ng mambabatas
Dahil malaki ang posiblidad na magdulot ng aksidente sa kalye ang paggamit ng cellular phone habang nagmamaneho, isang panukalang batas ang inihain sa Kamara de Representantes na ipagbawal ito.
Sa House Bill 3211 na inihain ni Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr., kasama ring sa pagbabawalan na gumamit ng cellphone ang mga nagmamaneho ng bisekleta, pedicabs, habal-habal, kuligligs, kalesa at iba pa.
Pasok din sa "Anti-Mobile Communications Devices Use While Driving" bill ang mga nagmamaneho ng traktora at construction equipment gaya ng graders, rollers, backbones, pay loaders, backhoes, cranes, bulldozers at concrete mixers.
Ayon kay Andaya, hindi lang ang buhay ng drayber na gumagamit ng cellphone habang nagmamaneho ang nalalagay sa peligro kung hindi maging ang lahat ng tao na nasa kalye.
"Using a mobile phone while driving can impair the driver's performance. It provides the driver's physical and cognitive awareness and may therefore pose threat to other road users," paliwanag ni Andaya sa isang pahayag nitong Miyerkules.
Sa ilalim ng panukalang batas, maaari lamang gamitin ng drayber ang cellphone habang nagmamaneho kung mayroon itong gamit na hands-free communications device para lamang sa pagtawag o pagtanggap ng tawag.
Kapag naipasa at naging batas, ang mga lalabag ay maaaring pagmultahin ng P1,000 hanggang P10,000 at maaaring makansela ang lisensiya sa pagmamaneho.
Inaatasan sa panukala ang Department of Transportation and Communications (DOTC) at Land Transportation Office (LTO) at iba pang kaugnay na ahensiya na magsagawa ng malawakang information campaign sa buong bansa kapag ganap na itong naging batas. -- RP/FRJ, GMA News