ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Nelson Mandela, pumanaw na sa edad na 95


Pumanaw na ang dating pangulo ng South Africa na si Nelson Mandela sa edad na 95 (Biyernes, PHL time) sa tahanan nito.

Matatandaang tinuldukan ni Mandela ang matagal na pamamahala ng mga puti sa South Africa nang manalo ito sa pinakaunang demokratikong halalan noon 1994, matapos siyang makalaya mula 27-taong pagkakakulong.

Mapayapang pumanaw si Mandela sa tahanan nito sa Johannesburg matapos ang matagal na pakikipaglaban sa impeksyon sa baga, ayon kay President Jacob Zuma.

Nakalabas si Mandela, ang tinaguriang anti-apartheid icon at kauna-unahang black president ng South Africa, mula sa pagkakakulong at tumulong na wakasan ang madugong labanan para sa demokrasiya.

"Fellow South Africans, our beloved Nelson Rohlihla Mandela, the founding president of our democratic nation, has departed," sabi ni Zuma sa  isang pahayag na ipinakita sa telebisyon.

"Our people have lost a father. Although we knew this day was going to come, nothing can diminish our sense of a profound and enduring loss. His tireless struggle for freedom earned him the respect of the world. His humility, passion and humanity, earned him their love," dagdag niya.

Bibigyan ng full state funeral si Mandela, at inutusan nang ilagay sa half mast ang mga bandila sa bansa.

Matapos maging pangulo ng isang termino lamang noong 1999, hindi na nakialam sa pulitika si Mandela, kaya hindi inasahang malaki ang magiging epekto ng pagpanaw niya sa pulitika sa pinakamahalaga at pinakamalaking ekonomiya sa kontinente ng Africa.

Huling nasilayan ng publiko si Mandela na nakaupo sa isang golf cart sa finals match ng soccer sa World Cup sa Joahnnesburg sa Soccer City stadium noong July 2010. — JGV /LBG, GMA News