6-anyos, naputulan ng kamay sa Pangasinan matapos masabugan ng 'Goodbye Philippines'
Hindi pa man sumasapit ang Pasko, dalawang bata na ang isinugod sa ospital sa Pangasinan nitong Huwebes matapos silang masabugan ng paputok. Isa sa mga biktima, kinailangang putulin ang nasabugang kamay dahil sa tindi ng tinamong pinsala. Sa ulat ni CJ Torrida ng GMA-Dagupan sa "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Biyernes, sinabing dinala sa Pangasinan Provincial Hospital ang dalawang biktima. Ang isang biktima na walong-taong-gulang na mula sa Calasiao, Pangasinan ay nasabugan ng Piccolo at nagpapagaling na. Pero ang isa pang biktima na anim na taong gulang mula sa Anda, kinailangang putulin ng kaliwang kamay matapos mawasak bunga ng pagsabog ng pinaglaruan nitong paputok na "Goodbye Philippines." Ayon kay Dr. Osias Torio, general surgeon ng PPH, matindi ang pinsalang inabot ng kamay ng biktima at hindi na magagamit kaya kinailangan nang putulin. Sinasabing itinago ng ama ng biktima ang paputok pero nakita at pinaglaruan ng bata. Tiniyak naman na nakahanda ang mga ospital sa lalawigan na tanggapin ang mga biktima ng paputok ngayon pa lang pero mas makabubuti pa rin umano kung hindi na lamang magpapaputok ang mga tao para ligtas sa disgrasya. -- FRJ, GMA News