Dating lider ng Kamara na nawalan ng anak dahil sa sunog noong December 2004
Bago sumapit ang Pasko noong 2004, isang trahediya ang naganap sa pamilya ng isang dating Speaker ng Kamara de Representantes. Nasawi ang kaniyang bunsong anak na babae matapos masunog ang kanilang bahay sa Dasmariñas Village sa Makati City.
Maghahating-gabi noong Disyembre 17, 2004 nang matupok ng apoy ang ikalawang palapag ng tahanan ni dating Speaker Jose De Venecia Jr. sa Magnolia St, sa sikat na Dasmariñas Village sa Makati. Nakulong sa loob ng bahay at nasawi ang kaniyang bunsong anak na si Ma. Cristina Perez de Venecia, na 16-anyos lamang noon.
Batay sa mga lumabas na ulat, nagawa pang makatawag sa telepono ng biktima sa kaniyang kapatid upang humingi ng tulong bago ito nasawi. Hindi rin niya nagawang makatakas ang apoy sa pamamagitan ng pagdaan sa bintana dahil mayroon itong mga rehas na bakal.
Sa imbestigasyon ng Makati District Fire Marshall, lumilitaw na depektibong Christmas lights na nakalagay sa hagdanan ng bahay ang lumitaw na pinagmulan ng sunog.
Si De Venecia ay nagsilbing lider ng Kamara sa buong 9th, 10th, 12th at 13th Congress. Nakuha din niya ang liderato ng Kamara sa 14th Congress pero tumagal lamang siya ng isang taon matapos patalsikin ng mayorya ng mga kongresista. -- FRJ, GMA News