Mga bus ng Ceres Liner sa Cebu, sinuspindi matapos masangkot sa aksidente ang isa nitong bus
Pinatawan ng 30 days suspension ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang 10 bus ng Ceres Liner sa Cebu matapos masangkot sa aksidente ang isa nitong bus na nagresulta sa pagkamatay ng dalawa katao nitong Lunes.
Sa ulat ng dzBB radio nitong Martes, sinabing sakop ng suspension order sa prangkisa ng Vallacer Transit ang mga bus ng "Ceres Liner." (Basahin: 2 dead in bus accident in Cebu)
Nauna nang iniulat na inamin umano ni Erwin Gerson, 42, driver ng bus, na nakainom siya (ng alak) nang mangyari ang aksidente na nagresulta sa pagkamatay ng kaniyang misis na si Marlyn at anak na si Geralyn, at pagkakasugat ng 30 iba pa.
Inaalam din ng mga awtoridad ang impormasyon na nagkasagutan ang mag-asawa bago maganap ang aksidente sa bayan ng Badian, Cebu.
Samantala, nasawi naman nitong Lunes ang high school student na si Carlo Balahada, 15-anyos, matapos mabundol din ng Ceres Liner sa Talisay City, Cebu.
Nasa kostudiya na rin ng pulisya ang driver ng bus. -- FRJ, GMA News