ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pinakamaliit na action star sa Pilipinas


Kilala niyo ba kung sino ang tinaguriang pinakamaliit ng action star sa Pilipinas na nagbida sa ilang pelikula kahit ang taas niya ay wala pang tatlong talampakan?

May taas lamang na 2'9'' ang kinikilalang pinakamaliit na action star ng Philippine cinema na naging bida sa ilang pelikula noong dekada 80. Siya si Ernesto Dela Cruz, na mas kilala sa kaniyang screen name bilang si "Weng Weng."

Isinilang sa Pasay City noong September 1957, hindi lumaki si Weng Weng dahil sa kaniyang kondisyon na kung tawagin ay  primordial dwarfism. Hindi naman naging hadlang ang kaniyang kalagayan para maipagpatuloy ang hilig niya sa pag-aartista at martial arts.

Ang kaniyang instructor ang tumulong sa kaniya na makapasok sa showbiz at makasama sa pelikula ni Dolphy bilang sidekick sa pelikulang The Quick Brown Fox (1980) at Da Best In Da West (1981).

Lalong sumikat si Weng Weng nang siya na maging bida sa James Bond parody film na "For Y'ur Height Only," kung saan ginampanan niya ang papel bilang si Agent 00.

Ilan pa sa nagawa niyang pelikula bago siya nawala sa sirkulasyon ng industriya ay ang "Agent 00"; "D' Wild Wild Weng"; "The Cute, The Sexy and The Tiny"; at "Impossible Kid."

Dahil sa sakit sa puso, pumanaw si Weng Weng noong Agosto 1992.

Isang dayuhan na nagngangalang Andrew Leavold, na masugid na tagahanga ni Weng Weng, ang nagtungo sa Pilipinas at gumawa ng dokomentaryo tungkol sa aktor na pinamagatan niyang "The Seach for Weng Weng." -- FRJ, GMA News

Tags: pinoytrivia