Mga pekeng viagra at iba pang gamot, bagsak presyong ibinebenta sa internet
Mahigit P150 milyon halaga ng mga ipinuslit na mga gamot kabilang ang pekeng viagra ang nasamsam ng mga awtoridad sa Pasig City. Ang naturang mga produkto ay ibinebenta umano ng ng sindikato sa murang halaga sa internet.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA news "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing pinasok ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation ang isang bahay sa Greenwoods Executive Subdivision sa Pasig city nitong Miyerkules ng gabi.
Armado ng search warrant, hinalughog ng mga awtoridad ang bahay at dito na nakita ang napakaraming kahon na puno ng iba't ibang klase ng pekeng gamot at materyales na ginagamit umano ng sindikato para sa illegal repackaging ng mga kontrabando.
Kasama sa mga nasamsam ang mga peke umanong viagra, ilang highly regulated drugs tulad ng valium, nubain, ativan at ang ipinagbabawal na cytotech.
Wala nang inabutang suspek ang mga awtoridad sa bahay.
Sinasabing modus ng sindikato na ibenta sa internet ang mga nasabing gamot na galing Pakistan sa mas murang halaga para mabilis maibenta.
Ayon kay Glen Lacaran, special investigator ng NBI, nagsagawa sila ng test buy kung saan nakabili ng murang viagra.
Sinabi naman ni NBI Deputy Director Ruel Lasala, na tinatayang aabot sa P150 milyon ang halaga ng nasamsam na peke at smuggled na mga gamot.
Idinagdag nito na delikado ang mga gamot dahil hindi ito dumaan sa pagsusuri ng Food and Drug Administration.
Dahil dito, nagbigay ang babala ang NBI sa publiko na maging maingat sa pagbili ng mga gamot at piliin bumili sa mga lehitimong drugstore. -- FRJimenez, GMA News