ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagsusuot ng sumbrero, bawal na sa mall


Ipinagbabawal na ng mga pulis ang pagsusuot ng sumbrero sa loob ng mga mall dahil ginagamit umano ito ng mga kriminal upang itago ang kanilang mga mukha mula sa mga security camera.
 
"We studied their strategies. If they want to commit a crime, they wear caps. That way, the [closed circuit] TV will not be able to photograph their faces," ani Police Chief Inspector Robert Domingo, tagapagsalita ng Metro Manila police, sa isang panayam sa Agence France-Presse.
 
Naka-usap na umano ng mga pulis ang mga may-ari ng mall ukol sa nasabing bagong patakaran.
 
Nabigyan na rin umano ng tagubilin ang mga security guard ng mga mall na ipaki-usap sa mga mamimili ang pagtanggal sa kanilang mga sumbrero habang nasa loob ng gusali.
 
Naisip umano ng mga pulis na ipataw ang nasabing patakaran matapos umatake ang mga hinihinalang miyembro ng "Martilyo Gang" sa SM North Edsa noong ika-15 ng Disyembre. 
 
Nakapagnakaw ang mga ito ng alahas matapos basagin ang salamin ng mga display case gamit ang martilyong bili rin sa loob ng mall. — Rouchelle R. Dinglasan/JDS, GMA News