ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

PNP, ibinigay ang numero na pwedeng tawagan para isumbong ang mga magpapaputok ng baril


Hinikayat ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na itimbre na sa pulisya ang mga kapitbahay na may indikasyon na magpaputok ng baril habang papalapit ang pagsalubong sa bagong taon.
 
Ayon kay Police Director Carmelo Valmoria, hepe ng  National Capital Region Police Office, sa Metro Manila pa lamang, mayroon ng tatlong kaso ng stray bullet mula nitong Disyembre 13.
 
“Hanggang ngayong araw na ito, meron tayo ngayong tatlo na tinamaan ng ligaw na bala,” ayon kay Valmoria.
 
Ang pinakahuling insidente ng pagtama ng ligaw na bala ay naganap nitong gabi ng disperas ng Pasko kung saan tinamaan ng bala sa hita ang biktima.

Basahin: Unang biktima ng ligaw na bala ngayong holiday season, nagmula sa Ormoc City

 
Payo ni PNP chief Alan Purisima, maging mapagmatyag ang publiko sa mga tao sa paligid na nagpapaputok ng baril.
 
“Ang kailangan natin dito is the vigilance of the public na kung meron po tayong napapansin agad na mayroon pong tendencies. Yung mga kapitbahay natin na magpapaputok please have them reported to the police immediately,”  pakiusap ng opisyal.
 
“Pakiusap lang po bago mangyari na sila magpapaputok ireport na natin sa pulis para macheck natin agad. That is the way of preventing the occurrence of illegal discharge of firearms,” dagdag niya.
 
Ang mga publiko na nais magsumbong sa PNP ay maaaring tumawag sa cell phone number 0915-8888-181 o sa  0999-9018-181.
 
Sinabi naman ni Valmoria na pinag-aaralan ng NCRPO ang pagpapatupad ng gun ban para sa pagsalubong ng bagong taon.
 
“Pag-uusapan po  'yon (gun ban),” ayon sa opisyal. “Tuloy-tuloy po ang campaign natin against loose firearms tapos meron din tayong… check point… In short, may gun ban o wala, ‘pag nahuli ka sa check point at walang tamang dokumento to authorize carrying firearms outside residence, hinuhuli naman po.”
 
Noong nakaraang selebrasyon ng bagong taon, naging sentro ng kampanya laban sa incriminate firing ang batang si Stephanie Nicole Ella, na nasawi sa ospital ilang araw matapos siyang tamaan ng ligaw na bala sa Caloocan.
 
Umabot sa 25 ang biktima ng ligaw na bala noong 2012, mas mababa ng kaunti sa 29 na insidente na naitala noong 2011. -- Rouchelle R. Dinglasan/FRJ, GMA News